CAVITE – Naging mitsa ng buhay ng isang 49-anyos na lalaki ang umano’y pagkakalat nito ng tsismis nang pagbabarilin ng isang retiradong miyembro ng Philippine Navy, sa bayan ng Alfonso sa lalawigang ito.
Dead on the spot ang biktimang si Ireneo Alumno, may asawa, ng Brgy. Marahan 1, Alfonso, Cavite dahil sa dalawang tama ng bala ng .45 kalibreng baril mula sa kapitbahay nitong Florante Flores, 45, retiradong miyembro ng PN, ng nasabi ring barangay.
Ayon sa ulat ni Corporal Deverson Salinas ng Alfonso Municipal Police, dakong alas-7:30 noong Sabado ng umaga nang mangyari ang insidente sa Brgy. Marahan 1 sa Alfonso kung saan kapwa nakatira ang biktima at suspek.
Ayon kay Corporal Salinas, pinuntahan ng suspek ang biktima sa kanilang bahay at kinompronta ito hinggil sa ipinagkakalat nitong tsismis gayunman, hindi binanggit kung anong klaseng tsismis.
“Matagal na silang may alitan. Nagkaroon pa ng habulan hanggang sa naabutan ng suspek ang biktima at binaril ito gamit ang kalibre 45.” ayon kay Sainas.
Naaresto naman ang suspek sa isinagawang follow-up operation. (SIGFRED ADSUARA)
