TARGET ni KA REX CAYANONG
ISANG malinaw na patunay ng tunay na malasakit ng pamahalaan sa mga Pilipino ang pakikiisa ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa programang Lab for All sa Tanza, Cavite nitong Nobyembre 4.
Sa pangunguna nina PCSO General Manager Mel Robles at Chairman Felix Reyes, kasama sina Directors Jennifer Guevara at Janet Mercado, mahigit 1,500 Charitimba ang naipamahagi.
Isa itong konkretong tulong para sa mga pamilyang nangangailangan ng kaagapay sa kalusugan at pang-araw-araw na buhay.
Hindi lingid sa publiko ang malaking layunin ng Lab for All, ang proyektong itinataguyod ni First Lady Liza Araneta-Marcos bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilapit sa bawat Pilipino ang serbisyo ng gobyerno.
Ang pagkakaroon ng libreng konsultasyon, gamot, at tulong mula sa iba’t ibang ahensya tulad ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development, at Department of Justice ay nagpapakita ng buo at nagkakaisang paglilingkod sa mamamayan.
Sa panahong patuloy na humaharap ang bansa sa hamon ng kalusugan at kabuhayan, mahalagang matiyak na may masasandalan ang taumbayan.
Kaya naman malaking bagay na muling nag-turnover ng lotto shares ang PCSO, mahigit P2.28 milyon para sa lalawigan ng Cavite at P1.22 milyon, para sa bayan ng Tanza para sa buwan ng Enero hanggang Hunyo 2025.
Magsisilbi itong dagdag na suporta para sa mga programang pangkalusugan at serbisyong panlipunan sa lugar.
Matagal nang sandigan ng mga nangangailangan ang PCSO, mula sa tulong medikal hanggang sa mga community assistance program.
Ngunit higit na kahanga-hanga na sa ilalim ng kasalukuyang pamunuan, mas pinapalawak ng ahensya ang abot nito sa mga komunidad na minsang hindi naaabot ng pangunahing serbisyo.
Sa pagbibigay ng Charitimba at paglalaan ng pondo sa lokal na pamahalaan, pinagtitibay ng PCSO na hindi suwerte ang kanilang ipinamamahagi kundi pag-asa.
Pag-asa ito para sa mga may sakit, para sa mga naghahanap ng kagaanan sa araw-araw, at para sa mga pamilyang umaasang may gobyernong laging handang dumamay.
Hindi lamang simpleng pagbibigay ang pagkilos na ito Kundi ito ay pagpapakita na ang malasakit ng pamahalaan ay may mukha, may kamay, at may puso.
Kung magpapatuloy ang ganitong uri ng paglilingkod, tiyak na mas maraming Pilipino ang makadarama na sila ay tunay na inuuna, pinahahalagahan, at hindi kailanman nakakalimutan.
75
