LALONG ginagalit ng kampo ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co ang taumbayan, ayon kay Navotas Rep. Toby Tiangco, matapos ang online press conference kahapon kung saan iginiit ng abogado ni Co na si Atty. Ruy Rondain na may banta umano sa buhay ng kanyang kliyente kaya hindi ito makauwi sa bansa.
“One thing is very clear sa kanyang statement na walang balak si former Congressman Zaldy Co para harapin yung mga kaso niya. Yung maliwanag na maliwanag…dati ko nang sinasabi yun,” ani Tiangco.
Ayon kay Tiangco, malinaw na umiiwas sa pananagutan si Co, na nasasangkot sa umano’y malawakang katiwalian sa mga flood control project simula nang italaga ito bilang chairman ng House Committee on Appropriations mula 2022 hanggang sa unang bahagi ng 2025.
Giit ng mambabatas, walang legal na batayan ang pahayag ni Rondain hinggil sa banta sa buhay ni Co, at lalo umanong hindi katanggap-tanggap ang dahilan na wala pa namang kasong isinampa laban sa dating kongresista kaya wala pa itong obligasyong umuwi.
“Kung wala pang cases filed ayaw umuwi, eh di lalo nang hindi ‘yan uuwi kapag may kaso na! Huwag naman niyang pinapaikot ang mga Pilipino. Kaya nagagalit ang mga tao kasi pinapaikot tayo,” ani Tiangco.
Dagdag pa niya, unang pinaiikot umano ni Co ang publiko nang sabihin nitong ang kanyang pagbibitiw bilang kinatawan ng Ako Bicol party-list ay isang “sakripisyo,” gayong ang totoo raw ay tumanggi lamang itong sundin ang utos ni House Speaker Faustino ‘Bojie’ Dy III na umuwi matapos kanselahin ang kanyang travel authority.
Ayon pa kay Tiangco, lalong maiinis ang taumbayan sa ganitong sitwasyon dahil lumalabas na ang mga mayayaman at makapangyarihan ay maaaring gumamit ng “threat to life” bilang dahilan upang makaiwas sa pananagutan, habang ang mga mahihirap ay agad na hinaharap at pinaparusahan sa kanilang mga kaso.
“Magbigay siya (Rondain) ng batas na nagsasabi na kapag may threat to life, puwede kang hindi umuwi o magtago sa ibang bansa. Ibig sabihin, ‘pag may pera at kapangyarihan ka, pwede mong iwasan ang kaso mo; pero kapag mahirap ka, kailangan mong harapin. Hindi naman ganun ang batas,” dagdag ni Tiangco.
(BERNARD TAGUINOD)
107
