BAGAMAT nakalaya na ang 80-years old na lolo sa Asingan, Pangasinan matapos kasuhan ng pagnanakaw ng 10 kilong mangga sa kapitbahay, tutulungan pa rin ito ng ACT CIS Party-list.
Nagpaabot ng P10,000 cash ang grupo kay Lolo Narding Floro para makapag-umpisang muli.
Ayon kay ACT CIS Nominee Edvic Yap, “wala palang ikinabubuhay si Lolo Narding at walang pamilya dahil matandang binata pala ito”.
Dagdag pa ni Yap, “sabi niya inenegosyo niya ang pera para may pagkakakitaan daw siya”.
Pakikiusapan din ng ACT CIS ang nagsampa ng reklamo laban kay Floro na iatras na lamang ang kaso for “humanitarian consideration”.
Si Floro ay inaresto at kinasuhan matapos ireklamo ng may-ari umano ng lupa kung saan nakatirik ang mga puno ng mangga na kanyang pinitasan ng bunga.
Napag-alaman na Abril pa noong nakaraang taon nangyari ang kaso subalit hinayaan lamang daw ni Lolo Narding dahil kulang umano ito sa pag-aaral.
