TUMANGGING MAGBALATO, SABUNGERO PATAY SA SAKSAK

RIZAL – Patay ang isang sabungero matapos saksakin umano ng lalaking tinanggihan niyang balatuhan sa kanyang panalo sa sabong sa Brgy. San Juan, sa bayan ng Taytay, sa lalawigan.

Nalagutan ng hininga noong Huwebes ng gabi habang nilalapatan ng lunas sa Rizal Medical Center ang biktimang si Ricky Del Rosario dahil sa tama ng saksak sa kaliwang bahagi ng katawan.

Ayon sa report ng Taytay Police, kalalabas lamang mula sa Taytay cockpit arena ng biktima nang lumapit ang suspek na kinilala lamang sa pangalang “Mando” para humingi ng balato nang mabatid na nanalo sa sabong si Del Rosario.

Subalit tumanggi ito hanggang sa magkasagutan ang dalawa na humantong sa pagkuha ng patalim ng suspek at inundayan ng saksak ang biktima.

Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pananaksak at ngayon ay pinaghahanap ng pulisya.

(NILOU DEL CARMEN)

 

226

Related posts

Leave a Comment