CLICKBAIT ni JO BARLIZO
ABA, level up na ang trabaho ng mga benepisyaryo ng TUPAD.
May panukala kasing mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced (TUPAD) ang kukunin bilang tauhan sa mga Kadiwa Center sa buong bansa sa pagpapalawak ng programang pagbebenta ng P20 kada kilong bigas sa 2026.
Mula sa patayo-payong trabaho, patuwad-tuwad na pagwawalis at pagbubunot ng damo, ang mga nagtu-TUPAD ay pang Kadiwa na.
Iwas na sunog-balat sa ilalim ng araw. Pero, nagbibilad nga ba? Sabi, hindi pa nagliliyab ang sinag ng araw ay nagkukumpol-kumpol na ang mga nagtu-TUPAD, at higit isang oras na paise-iseng trabaho ay uwian na. Pero kailangan natsek ang attendance.
Ngayong tatao na sila sa mga Kadiwa center, matutupad ang isa pang pangarap.
Pero, madali naman maubos ang sako-sakong bigas sa mga Kadiwa dahil bente pesos ang bawat kilo at sa dami ng gustong makatikim ay hindi ata umaabot ang mga kulelat sa pila.
Pabor na naman sa mga Tupadero. Maaga ring makakauwi. Ilang oras lang ang trabaho pero ang kita ay kapantay ng karamihang nagbabanat ng buto.
Nilagdaan na ang Memorandum of Agreement ng Department of Agriculture at ng Department of Labor at Employment para maging pormal ang kasunduan ng dalawang ahensya.
Abangan natin kung ibang TUPAD ang makikita sa isang taon.
o0o
Dismayado pala si PBBM sa K-12 program. Ayun, gusto rin atang tanggalin na ang mandatory Senior High School system sa ilalim ng K-12 program.
Gayunman, nasa Kongreso raw ang desisyon kung aamyemdahan o aalisin ang batas ng K-12.
Walang naging bentahe at pabigat pa sa mga magulang ang programa.
Dapat na bang tanggalin ang SHS?
Hindi programa ang problema kundi ang implementasyon.
Kung sira ang sistema, ang dapat gawin ay ayusin imbes na wasakin. Pagpapatupad at sistema ang problema at hindi ang programa. Inaayos ang sira at hindi tinatakasan ang problema.
Marami ang dapat ikonsiderang mga dahilan kung bakit sa tingin ng iba ay hindi bentahe ang SHS.
Kailangan ang matibay na kapasyahan ng mga nasa gobyerno, at malaking pinansyal na pondo para sa programa. Ginagastusan ang edukasyon dahil susulitin ang gastos ng mga kakayahang makukuha ng mga estudyante.
Kaya hindi solusyon ang tanggalin ang SHS.
Ang dapat ayusin ay ang sistema ng edukasyon at ang paraan ng pagtuturo at implementasyon.
