PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
SUSMARYOSEP, deserved ngang matalo si Mayora Honey Lacuna, kasi imbes na maayos i-turnover ang city government sa incoming Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, ano ang inatupag ng talunang ate kuno ng Manilenyo?
Ayun, umano ay naglakwatsa at iniwan ang Maynila na nakatunganga, walang “Nanay” na mag-aaruga sa kanila sa mga huling araw ng kanyang termino.
Bakasyon grande ang inuna ni Lacuna at iniwang nakanganga ang mga employee ng pamahalaang lungsod, ay teribleng alkalde ito, pagpapasarap sa buhay ang inaatupag: no kiber, bahala na raw kayo sa buhay nyo, Manilenyo, kasi hindi n’yo ibinoto uling mayor si Honey.
Aywan kung totoo, at sana ay hindi totoo ang kalat-kalat na pinag-uusapan ng mga bubwit na wala na raw maipambibili ng mga suplay na kailangan para patuloy na makapagserbisyo sa mga tao, at ang mga empleyado, wala na raw sasahurin, ay kung totoo, aba, ganti ba ito sa Manilenyo gawa ng pagkatalo ni Mayora Honey?
Eto pa ang nakagugulat at nakagagalit, kung totoo ang balita, ha?
Sa katanghaliang tapat ng Hunyo 30, sa pormal na pag-aktong mayor ni Isko Moreno, mabubulaga siya ‘pag inusisa kung may pera pa siyang aabutan para maumpisahan na ang paglilinis, pagkukumpuni sa iniwang kalat at basura sa pamamahala ng talunang alkalde.
Balita ay walang perang naiwan sa kaha at ‘yung sasahurin ng mga empleyado hanggang sa Disyembre ay kulang-kulang na.
Ay, napakasakit naman, Ate Honey: Totoo bang nasimot na ang pera at pati raw trust fund ay halos nauubos na, at eto ang malupit, ‘yung perang iyon ang ipinondo sa KASAMA program ng PESO na ginamit, inubos (at naibulsa?) noong panahon ng kampanya?
Eto pa, nag-iiyakan ang sandamakmak na kinuhang Job Order employees na ginamit sa kung ano-anong trabaho at pinagtrabaho noong eleksyon, ang nakanganga kasi walang aasahang sahod.
Umabot daw, sabi ng mga insider sa city hall, sa P1.4-bilyon ang bayaring sahod sa JOs, at ang mga kontraktor, mga supplier at iba pang utang na dapat na panagutan ng city government ay wala na raw mapagkukunan ng pambayad.
‘Yung cash reserves sa kaha ng City Treasurer, konti na lang ang natitira at kung ‘di makababayad ang city government, mahaharap ito sa maraming kaso, na si incoming Mayor Isko ang namomroblema kung saan kukuha ng ipambabayad at ipambibili ng mga kailangang suplay sa araw-araw na operasyon ng pamahalaang lokal.
Aba, sa mga ospital, kung sa gamot at iba pang kailangang gamit para magamot ang maraming pasyenteng mahihirap.
Pero tiwala tayo, kung totoo ngang nasimot o konti na lang ang pera sa city hall, si Yorme Isko pa, e sanay ‘yan na magtrabaho sa panahon ng krisis.
Kung noong COVID-19 pandemic ay nailigtas niya ang Manilenyo, paniwala ko, makakayang maresolba ni Isko, at sa tulong ni Vice Mayor Chi Atienza, mahirap man ang dadatnang problema, masosolusyonan nila ito.
Kung paano hahabulin ang lakwatserang Mayora na balita ay inubos ang pera sa city hall, alam ni Yorme ang legal na paraan dito, pero ang uunahin niya ay solusyonan ang city hall employees at maipagpatuloy ang operasyon ng city government, sa pag-upo niya sa Hunyo 30.
Dyan nga humanga ang marami kay Yorme Isko na kahit anong bigat ng problema, kaya niyang magawan ng paraan, kaya, tama lamang, ayos lamang na siya nga ay ibalik uling alkalde ng Maynila.
Si Mayora Lakwatsera ubos pera, antayin mo ang balikwas sa iniwan mong problema, kasi noon pa ay may warning na si Yorme Isko.
‘Pag may mali, iwawasto, at ang nagkamali, bibigyang disiplina at parusa, katapat ng bigat o gaang ng perwisyong ibinigay sa taumbayan.
At ito ang masayang balita: naihanda na ni Yorme Isko at ni Ate Chi ang mga programa at proyekto na agad-agad na sisimulan nila sa darating na mga araw, upang maibalik sa ayos ang Manila City Hall at maumpisahan na ang pagbabalik ng Dangal at Ningning ng Maynila.
Excited kami, at ang Batang Maynila at mga Lolo, Lola at mamamayang Manilenyo.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
