OPISYAL nang pinasimulan kahapon ng United States at Philippine Armed Forces ang 40th iteration ng PHL-US Balikatan war exercises na magtatampok sa inilatag na “full-scale battle scenario” na layuning masupil ang anomang elevated threat na posibleng maganap mula sa South China Sea.
Tinatayang nasa mahigit 14,000 sundalo ang sasabak ngayon sa taunang “Balikatan”, kung saan masasaksihan ang ang integrated air and missile defense simulation, kabilang ang makabagong US mobile anti-ship missile NMESIS.
Ayon kay US Marine Corps Lieutenant General James Glynn, mananatili ang NMESIS sa Pilipinas para magamit pa sa mga pagsasanay sa hinaharap hanggang sa mahasa ang Philippine troops sa paggamit nito.
“We will demonstrate not just our will to uphold our mutual defense treaty in existence since 1951 but our matchless capability to do so,” ani Lt. Gen Glynn sa ginanap na Balikatan opening ceremony sa loob ng Camp Emilio Aguinaldo sa Quezon City.
“Nothing builds bonds more quickly than shared adversity,” ani Glynn.
Nilinaw naman ni Major General Francisco Lorenzo, Philippine Army, na ang mga nakalatag na war exercises ay walang pinatutungkulang bansa.
Layunin lamang umano ng sabayang pagsasanay na matiyak ang katatagan ng magka-alyadong bansa na tugunan ang anomang “contemporary security challenges”.
Kabilang sa isasagawang military exercises ang Integrated Air and defense para linangin ang kakayahan ng dalawang bansa na ma-detect, tuntunin at neyutralisahin ang aerial at missile threat, counter landing live fire exercises, maritime strike, Maritime Key Terrain security operations at Multilateral maritime events.
Kabilang sa sophisticated US weapons na gagamitin ng US forces bukod sa kanilang mga barko at fighter jets, ang “highly mobile” NMESIS anti-ship missile system, ang HIMARS o high-mobility artillery rocket system at ang makabagong US Typhon mid-range missile system, na unang ginamit noong nakaraang pagsasanay at iniwan sa Pilipinas.
Kamakailan sa pagbisita ni US Defense Secretary Pete Hegseth, inihayag nito na kailangang palakasin ang alyansa at i-modernize ang military arsenal ng Pilipinas.
“Deterrence is necessary around the world, but specifically in this region, in your country — considering the threats from the Communist Chinese,” ani Hegseth.
Kinumpirma rin ni Chief of Staff General Romeo Brawner na pinagtutuunan na nila ng pansin ang pagpapalakas ng kanilang military hardwares, matapos na mag-shift sila sa territorial defense.
(JESSE KABEL RUIZ)
