Ni ANN ENCARNACION
MAAARI nang magsagawa ng in-person training ang collegiate varsity teams, ayon sa Commission on Higher Education (CHED).
Plano ng UAAP at NCAA na magbalik aksyon sa Marso 2022 matapos matigil ang kanilang in-person competitions dahil sa COVID-19 pandemic.
“UAAP and NCAA schools have been allowed to conduct collegiate athletic training,” pahayag kahapon ni CHED chairman Popoy De Vera.
Ngunit paglilinaw niya, tanging fully-vaccinated student-athletes lamang ang papayagang sumama sa mga team training, at kailangan silang sumunod sa protocols gaya sa limited face-to-face classes.
Ipatutupad din ang 50-percent capacity sa mga lugar na under Alert Level 2, at full capacity sa Alert Level 1.
Nag-inspeksiyon na ang CHED sa mga pasilidad ng UAAP at NCAA-member schools kaugnay sa pagbabalik ng in-person training.
Matatandaan na dahil sa pandemic ay tuluyang kinansela ang UAAP Season 83, habang natuloy ang NCAA Season 96 ngunit virtually at limitado lang sa ilang individual sports.
