UKAY-UKAY GAWIN NANG LIGAL?

INILUTANG ni Senador Raffy Tulfo ang ideya na gawin nang legal ang pag-aangkat ng ukay-ukay upang mapatawan din ng buwis ang mga nagpapasok nito sa bansa kahit ito ay ilegal.

Sa gitna ito ng pagbatikos ni Tulfo sa pag-target ng Bureau of Internal Revenue sa mga vlogger at online sellers.

Sinabi ni Tulfo na kung talagang nais ng pamahalaan na makakolekta ng dagdag na buwis, mas makabubuting pagtuunan ng pansin ang mga big fish tulad ng bigtime oil smugglers.

Kasabay nito, pinuna ni Tulfo ang Bureau of Customs sa naglipanang bentahan ng ukay-ukay na malinaw na ipinagbabawal sa batas dahil karamihan sa mga ito ay donasyon at dapat napupunta sa Department of Social Welfare and Development.

“Why the heck na tumingin ka sa kaliwa’t kanan, nagkalat ang ukay-ukay. Anong ginagawa ng BOC na nakakalusot ang ukay-ukay?…Gala kayo sa kanto, sa Divisoria, Baclaran kahit saang sulok yan. Ano ba kayo bulag?” diin ni Tulfo.

Nilinaw naman ni Tulfo na hindi niya pinupuntirya ang maliliit na nagtitinda ng mga ukay-ukay dahil posibleng hindi rin nila alam na bawal ito sa batas.

Maging si Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian ay aminadong ngayon lamang niya nalaman na bawal ang pagbebenta ng ukay-ukay dahil kahit saan siya magpunta ay may nagtitinda nito.

Sinabi naman ni Tulfo na sa halip na tinutugis ang mga online seller at vlogger na barya-barya lang ang kinikita, pagbayarin ng buwis ang mga nag-aangkat ng ukay-ukay.

“Siguro since hindi kayang kontrolin ng Bureau of Customs yung pagpasok ng ukay ukay, siguro we have to come up with the system na I don’t know, legalize ukay ukay. I don’t know. What do you think? Kung di niyo na po kayang pigilan kausapin niyo po siguro yung mga mambabatas na para baguhin yung batas natin yung policy to make the ukay ukay legal na pwede na pong pumasok ng bansa magbayad po ng tamang buwis,” diin ni Tulfo. (DANG SAMSON-GARCIA)

505

Related posts

Leave a Comment