SA gitna ng matinding pagbaha sa Central Luzon at National Capital Region (NCR), kinuwestyon ni Senator Bam Aquino ang administrasyon sa patuloy na pagkaantala sa panukalang batas na naglalayong palakasin ang pagbabantay sa paggamit ng pambansang pondo at maiwasang maulit ang flood control scandal.
Tinanong ni Aquino si Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan kung bakit naibaba sa listahan ng priority bills ang proposed Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, na kilala rin bilang Blockchain the Budget Bill.
Ayon kay Aquino, mula sa pagiging pangatlo noong 2025, nasa ika-41 na lamang ngayon ang CADENA Act sa listahan ng mga prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
“Meron pong LEDAC measure na naipasa na po namin dito sa Senado na isulong na po natin, in 2025 priority measure po ito, in 2026 priority measure pa rin po ito. Parang nawala po ata ‘yung CADENA or Blockchain the Budget Bill. What’s the reason why it’s not on this list? Are you not supporting this bill, Secretary?” tanong ni Aquino kay Balisacan.
Ipinaliwanag naman ni Balisacan na nagpasya ang Malacañang at liderato ng Kongreso na paikliin ang listahan at unahin ang mga panukalang batas na itinuturing na mahalaga at may mas malaking posibilidad na maipasa sa loob ng 12 buwan.
Hindi ito tinanggap ni Aquino, dahil aniya ay naipasa na sa Senado ang CADENA Act at nakalusot na rin sa committee level sa Kamara.
Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na i-upload at panatilihin ang detalyadong mga dokumento kaugnay ng national budget, kabilang ang mga kontrata, gastusin sa proyekto, bills of materials at procurement records, sa isang Digital Budget Platform.
Dinisenyo ang sistema upang maging bukas sa publiko ang mga dokumento, hindi madaling pakialaman, nasusubaybayan at maaaring beripikahin.
Maaari namang humarap sa administratibo at kriminal na pananagutan ang mga opisyal ng gobyerno na mabibigong magsumite ng kinakailangang dokumento o mag-upload ng pekeng impormasyon.
“This bill, which will put the budget on blockchain, pati ‘yung mga contractor, pati ‘yung presyo ng semento, ng pako, at lahat-lahat, napag-usapan na po natin from 2025 na mahalaga po ito. I want to understand: why is it not in the priority measure of the DBCC?” usisa pa ni Aquino.
Ayon pa kay Aquino, dapat pakinggan ng LEDAC ang panawagan ng iba’t ibang sektor na sumusuporta sa panukala at nais itong maisabatas sa lalong madaling panahon.
Nakababahala umano na bigla itong nawala sa listahan ng mga prayoridad ng Palasyo kahit nananatiling malaking isyu ang katiwalian sa mga flood control project.
“Alam ho natin lahat how powerful this bill can be. Napakarami na pong grupo ‘yung nagsabi na nais nilang makitang pasado ang batas na ito, from inside the government, outside the government. Nagtataka po ako, bakit parang hindi natin ‘to minamadali? Nung kasagsagan nung flood control scandal, we all agreed we would push for this, and push for full transparency,” giit ni Aquino.
Iginiit pa ng senador na maaaring maging magandang legasiya ng administrasyong Marcos ang pagsasabatas ng CADENA Act bago matapos ang termino ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
(DANG SAMSON-GARCIA)
64 