PORMAL nang tinanggap ni AKO OFW Chairman at SAKSI NGAYON Columnist Doc Chie Umandap ang pagtatalaga sa kanya bilang Major ng Philippine Air Force reserve.
Mismong si 520th Air Base Wing Commander Brigadier General Michael Lorenzo ang naggawad ng ng ranggong Major kay Umandap at apat pang iba sa isang simpleng seremonyang ginanap sa Villamor Air Base sa Pasay City.
“You also show your willingness and readiness in carrying more demanding responsibilities which I’m confident you will be able to do. The PAF urges you to continue to fulfill your mandate and tasks. You are chosen to be a part of our association due to our mutual fashion for the PAF vision and mission,” ani Lorenzo kay Umandap na kabilang sa mga trustees ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Bukod sa pagiging miyembro ng OWWA Board of Trustees, si Umandap ay isa ring kolumnista ng pahayagang SAKSI NGAYON at brodkaster sa DWDD.
Nagsilbi rin si Doc Chie bilang dating administration staff sa Office of Undersecretary for Dental Administration ng Ministry of Health sa Kuwait.
Ayon kay Doc Chie, malugod niyang tinatanggap ang bagong hamon sa kanyang buhay na makapag-lingkod sa inang bayan lalo na at kinakatawan niya ang mga Overseas Filipino Workers na nakikipag-sapalaran sa ibang bayan.
Kaugnay nito, hinimok ni Doc Chie ang mga bagong bayani na maging bahagi rin ng reserve forces ng AFP upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa ating bansa.
“Hinihikayat natin ang mga OFW na ibahagi sa ating bayan ang kanilang talino at kakayahan sa pamamagitan ng pagsali sa reserve force ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Mahalaga para sa mga OFW ang tahimik at ligtas na bayan, dahil ang pamilya ng mga OFW ang siyang naiiwan sa ating bansa,” pahayag ni Doc Chie.
Bukod kay Doc Chie, kasama rin sa binigyan ng ranggo sina MTC Judge May Hazel Tagupa at Pircelyn Pialago bilang Major, Michael Philip Vergel bilang 1st Lieutenant at Edrixine Kim Lopera bilang 2nd Lieutenant. (DAVE MEDINA)
220 