NADAKIP ng mga tauhan ni PNP – Anti-Kidnaping Group chief, P/BGen. Jonnel C. Estomo, ang isang miyembro ng komunistang New People’s Army na suspek din sa panggagahasa sa isang 7-anyos na batang babae sa Brgy. Lumbua, Cagayan de Oro City nitong nakalipas na linggo.
Ayon kay P/BGen, Estomo, nadakip ng PNP-AKG Mindanao Field Unit sa isinagawang law enforcement operation ang suspek na si Virgilio Ruiles na mahigit dalawang taong nagtago matapos makasuhan ng panghahalay sa isang menor de edad sa Iligan City noong 2017 at 2018.
Kilala sa alyas na “Bulbog,” errand boy umano ang suspek ng North Central Mindanao Regional Command ng NPA noong nasa Iligan pa siya, base sa record ng PNP-AKG-MFU, sa pamumuno ni P/Lt. Col. Clarence C. Gomeyac.
Kinumpirma ni P/Major Ronaldo Lumactod, dinala na ang suspek sa Iligan para sa booking procedures ng kanyang kaso base sa inilabas na warrant of arrest.
Ang suspek ay itinuturing na no.1 most wanted person station level sa Sta. Cruz, San Isidro Labrador, Brgy. Lumbia, Cagayan De Oro City.
Napag-alaman, armado ng warrant of arrest, sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng MFU-Iligan Satellite Office, Iligan City Police Office-ICPS4, CIDMB-ICPO, RIU10, RIU15 at Police Station 8 CDOCPO, ang pinagtataguan ni Ruiles.
Ayon sa kay Riosan Caturao Bariñan, ina ng batang biktima, inabusong sekswal at minolestiya ng suspek ang kanyang anak nang ilang ulit noong taong 2017 at 2018 sa Brgy, Abuno, Iligan City.
Kinumpirma naman ni AKG Intelligence officer, P/Lt. Abraham S. Momongan, na may mass base of supporters ang suspek dahil sa pagiging tauhan nito ng GF12, SRC5, NCMRC guerilla front 12, sub-regional committee 5, under North Central Mindanao Regional Command, sa ilalim ni Commander Kiram noong nakatira pa ito sa Brgy. Abuno, Iligan City. (JESSE KABEL)
