UMARANGKADA NA SA NCR ANG KUSINA NG BAYAN

PORMAL nang ­nagsimula ang pagkakaloob ng ayudang pagkain ng ating grupong AKOOFW sa mga bayan sa National Capital Region (NCR) sa pamamagitan ng ating mobile kitchen na tinaguriang AKOOFW Kusina ng Bayan.

Layunin ng programang Kusina ng Bayan ang maghatid ng mga bagong lutong pagkain sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng pandemya ang kabuhayan.

Kabilang dito ang mga lugar na maraming driver ng pedicab, tricycle at pamilya ng mga ito. Ang sektor kasi na ito ay mga umaasa lamang sa araw-araw na kinikita sa pamamasada, at ilan sa mga LGU ay nagbawal na sila ay bumiyahe dahil sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine sa buong NCR.

Maraming mga drayber ng pedicab at tricycle ang talagang sumisigaw na sa paghingi ng tulong para may maipakain sa kanilang pamilya, kung kaya napagdesisyunan ng AKOOFW na maghatid ng pagkain sa kanila bilang pagtugon na rin sa programang pagtulong ng ating gobyerno.

Sa unang arangkada ng Kusina ng Bayan sa Barangay 180 at Barangay 181 sa Maricaban, Pasay City na naging maayos ang pagkakaloob ng pagkain. Bilang pagtugon sa ipinatutupad na protocol ng IATF ay hindi hinayaan ng barangay officials na magkaroon ng ­crowding o pagpila ng mga tao, bagkus ay naglabas na lamang ng upuan sa harap ng kani-kanilang tahanan ang mamamayan na kung saan ay doon ipinapatong ng barangay officials ang mainit na Batangas lomi at tinapay.

Naging katuwang natin sa paghahatid ng pagkain ang masipag na dating konsehal ng Pasay City na si Onie Bayona at ang mga barangay kagawad at ­kapitan ng nabanggit na mga barangay sa Pasay City.

Samantala, dumulog sa AKOOFW ang isang OFW na si Angeline Lamusao na kasalukuyang nasa Dammam, Saudi Arabia. Dumating siya sa nasabing bansa noong Setyembre 29, 2017 sa pamamagitan ng JSC Global Recruitment Services.

Ayon sa sumbong ni Angeline, tapos na ang kanyang kontrata ngunit ayaw pa rin siyang pauwiin ng kanyang amo. Ikinuwento din niya na “Last year po, pinakulong po ako ng aking amo dahil pinagbintangan n’ya akong ­nagnakaw ng pera at ­alahas pero hindi po natuloy ang kaso kasi wala naman pong ebidensya. Binalik po ako sa aking amo. Sa mga time na ‘yon humihingi na po ako ng tulong sa aking agency pero hindi po ako natulungan. Nagpatuloy po ako sa pagtatrabaho.

Dahil tapos na po ang aking kontrata gusto ko na pong umuwi pero hindi po nila ako pinapauwi. Pagod na pagod na rin po ang aking katawan. May mga sahod din akong hindi nakuha.

Ngayon po ako ay may karamdaman at nagkukulong na lang po ako sa aking kwarto. Walang pakialam po ang aking amo. May iniinda po akong ­sakit. Sa aking tagiliran may bukol po. ‘Yung ihi ko po ay may kasamang nana at minsan may dugo po.

Wala na po akong maayos na kain at tulog sa kakaisip po sa aking kalagayan. Tubig sa cr na lang po ako umiinom. Ni hindi man lang po nila ako ipa-doctor.

Ako po ay nagmamakaawa na matulungan n’yo na po akong makauwi sa lalong madaling panahon para makapagpagamot po at gusto ko pa pong makasama ang aking pamilya.”

Ang sumbong na ito ay akin na ring ­ipinarating kay OWWA Overseas ­Operation Head Connie Marquez.

***

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.

133

Related posts

Leave a Comment