Uminit sa gitna ng flood control scandal ROMUALDEZ PATATALSIKIN

(BERNARD TAGUINOD)

MULING umugong ang usapin ng kudeta sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kasabay ng umiinit na anomalya sa flood control projects na kinasasangkutan ng ilang kontraktor at mambabatas.

Noong Sabado ng gabi, kumalat ang balitang posibleng mapatalsik si House Speaker Martin Romualdez at ipalit umano sa kanya si Bacolod City Rep. Alfredo “Albee” Benitez.

“May mga natatanong kung totoo na si Albee na ang Speaker,” pahayag ng isang kongresistang tumangging magpakilala matapos ilabas ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang matinding pagtutol sa umano’y pagtatangkang ibunton ng ilang kongresista ang sisi sa Malacañang.

“The Cabinet strongly objects to the recent spin coming from certain members of the House of Representatives who are thereby attempting to shift the blame for their own corruption and failures onto the Executive Branch,” ani Bersamin sa kanyang kalatas.

Hindi binanggit ni Bersamin ang partikular na pangalan, ngunit kamakailan ay sinabi ni House public accounts committee chairman Rep. Terry Ridon na ang ghost flood control projects sa Bulacan ay hindi budget insertions kundi galing sa National Expenditure Program (NEP).

Kasabay nito, lalong umingay ang usapin ng kudeta laban kay Romualdez, pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bagama’t hindi pa ito nagbibigay ng pahayag.

Nauna rito, inatasan ni Pangulong Marcos Jr. ang Department of Budget ang Management (DBM) at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa ng sweeping review sa budget ng ahensya para sa fiscal year 2026.

Ang direktiba ng Pangulo ay bunsod sa isiniwalat nina Deputy Speaker Ronaldo Puno at Marikina Representative Marcelino Teodoro na mayroong mga kwestiyonableng programa ang naisingit sa 2026 national budget.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, pinasisiguro ng Pangulo na ang mga kwestiyonableng insertions sa pambansang budget ay tatanggalin sa pamamagitan ng errata.

Sa panig ni Ridon, nilinaw niyang hindi nila sinisisi ang Palasyo sa katiwalian. “Walang naninisi sa Pangulo ng Pilipinas… kung may Congressmen o Senador na sangkot, dapat pangalanan at kasuhan,” aniya.

Matatandaang noong 19th Congress ay ilang ulit nang nabalot ng kudeta ang liderato ni Romualdez, kung saan lumutang ang pangalan ni dating pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo bilang kapalit.

Si Benitez, na dati ring tumakbo para sa speakership, ay kabilang sa mga nakikitang contender kasama sina Navotas Rep. Toby Tiangco at Cebu Rep. Duke Frasco, na ngayo’y independent members ng Kamara. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

203

Related posts

Leave a Comment