Umusad na sa Kamara ‘IWAS-AMAG’ SA ELECTION PROTEST

(BERNARD TAGUINOD)

INAPRUBAHAN na sa committee level sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na “iwas-amag” sa lahat ng mga electoral protest upang matakot ang mga mandarayang politiko para lang manatili sa puwesto.

Walang tumutol nang aprubahan ang Committee report na binuo ng Technical Working Group (TWG) ng House committee on suffrage and electoral reforms, hinggil sa House Bill 2716 “Fair Electoral Protest Act,” na inakda ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez.

Base sa nasabing panukala, bibigyan ng deadline ang mga korte at mga electoral tribunal tulad ng Presidential Electoral Tribunal (PET) at House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) na resolbahin ang lahat ng election protest na nakahain sa kanila.

Magkakaroon lamang ng 24 buwan o dalawang taon ang PET na resolbahin ang electoral protest na hawak ng mga ito hindi tulad ngayon na walang itinakdang panahon kung kailan nila reresolbahin ang isang kaso.

Halimbawa rito ang inihaing electoral protest ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na hinawakan ng PET o ng Korte Suprema, na inabot ng apat na taon bago naresolba.

Itinakda rin sa nasabing panukala na kailangang madesisyunan ang electoral protest laban sa congressmen at local officials na kinuwestiyon ang kanilang pagkapanalo sa loob lamang ng 12 buwan o isang taon habang 6 na buwan lamang ang ibinigay sa election protest sa barangay officials.

“Let us put a time limitation to the resolution of protest. Many unscrupulous victors to defy the election code and resort to cheating because they know that protest take a long time before they are decided,” paliwanag ni Rodriguez sa kanyang panukala.

Bukod sa pagpapaiksi sa panahon ng resolusyon sa lahat ng mga election protest ay gagawing resonable ang protest fees na kinokolekta sa mga naghahain ng protesta.

“Candidates found cheating to secure victory but are eventually ousted must be barred running again or holding any government post as punishment,” paliwanag pa ng mambabatas sa kanyang panukala.

328

Related posts

Leave a Comment