TARGET ni KA REX CAYANONG
SA unang 100 araw ng panunungkulan ni Mayor Gel Alonte sa lungsod ng Biñan, kapansin-pansin ang direksiyon ng pamahalaan tungo sa tunay na serbisyong may puso—serbisyong hindi nakasentro sa kapangyarihan, kundi sa kapakanan ng bawat Biñanense.
Aba’y sa ilalim ng kanyang pamumuno, muling pinagtibay ang diwa ng “Galing at Epektibong Lingkod” sa larangan ng kalusugan, edukasyon, at social welfare.
Isa sa mga pangunahing inisyatibo ni Mayor Alonte ay ang pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan para sa mahihirap na pamilya sa pamamagitan ng Health Assistance Program for Indigent (HAPI) Families.
Kaya sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ospital tulad ng Batangas Medical Center, Biñan Doctors’ Hospital, at Unihealth Southwoods, tiniyak ng alkalde na walang Biñanense ang maiiwan sa oras ng pangangailangang medikal.
Sinasabing sa ilalim ng programang ito, ipinakita ni Mayor Gel ang paniniwala na ang kalusugan ay hindi dapat ituring na pribilehiyo, kundi karapatan ng lahat.
Hindi rin nakaligtaan ng pamahalaan ang mga nakatatanda at solo parents.
Dahil dito, sa unang 100 araw ng alkalde, sinimulan ang Local Social Pension Program para sa mahigit 29,000 senior citizens, gayundin ang Subsidy Allowance para sa 1,200 solo parents sa lungsod.
Sa larangan naman ng edukasyon, pinatunayan ni Mayor Gel na ang kabataan ay tunay na “pag-asa ng bayan.”
Sa ginanap na pamamahagi ng P10,000 academic assistance sa mahigit 800 estudyante mula sa PUP-Biñan at iba pang paaralan, pinatotohanan ng lokal na pamahalaan na nananatiling pangunahing prayoridad ang edukasyon.
Sa pamamagitan ng programang ito, patuloy na binubuksan ang pinto ng oportunidad para sa mga kabataang Biñanense.
Ang unang 100 days ni Mayor Gel Alonte ay patunay na sa maayos na pamumuno at malasakit, kayang maramdaman ng mamamayan ang direkta at konkretong pagbabago.
Hindi ito mga pangako lamang na natutunaw sa salita, kundi mga gawaing may tunay na epekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao.
Sa mga darating na buwan at taon, nawa’y magpatuloy ang ganitong uri ng pamamahala—malapit sa tao, tapat sa tungkulin, at matatag sa layunin.
Sapagka’t sa ilalim ng liderato ni Mayor Gel Alonte, ang bawat Biñanense ay hindi lang basta mamamayan, kundi katuwang sa paghubog ng mas maunlad, mas makatao, at mas maaasahang Biñan.
Mabuhay po kayo, bossing, at God bless!
