PUNA ni JOEL O. AMONGO
HINDI kaya alam ng pamunuan ng National Bureau of Investigation (NBI) MIMAROPA, Philippine National Police (PNP) Region 4B, at Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipinangungulekta sila sa sugal sa Oriental Mindoro?
Ayon sa nakarating na impormasyon sa PUNA, ilan sa mga “Kolek-Tong” ang nasiwalat sa talamak na sugal sa Oriental Mindoro.
Ang mga “Kolek-Tong” na ito ay apat na sarhento, at sina alyas “Noyno” at “Vinmel” ang nangongolekta ng weekly payola sa mga operator ng peryahan na may sugal.
Kung hindi alam ng mga opisyal ng NBI MIMAROPA, PNP Region 4B, at DILG na ginagamit sila ng mga tinaguriang “Kolek-Tong” na ito, ay puro bukol ang kanilang inaabot. Kaya ang advise ng PUNA sa kanila ay magsuot sila ng helmet.
Kaya tinatawagan natin sina NBI MIMAROPA Regional Director Atty. Moises Tamayo, DILG-MIMAROPA Regional Director Rey Maranan, DILG Oriental Mindoro Provincial Director Frederick Gumabol, PRO4B Regional Director PBGen. Christopher Dela Cruz, at Oriental Mindoro Provincial Director PCol. Efraim Camara, mga Sir, baka hindi n’yo alam na ginagamit ang inyong opisina para makakolekta ng pera ang mga kolokoy na ito sa inyong mga nasasakupan.
Kaya ipinararating natin ito sa nabanggit na mga opisyal dahil wala namang kakayanan magparating o magtanong ang mga may-ari ng mga pasugalan na ito sa kanila kaugnay sa pangungulekta ng mga tinaguriang “Kolek-Tong.”
Naisip ko tuloy ang nangyari sa akin noong ako ay presidente pa ng DILG-NAPOLCOM Press Club, wala akong kaalam-alam na nagagamit na pala ang pangalan ko sa pangungulekta sa mga pasugalan.
Ang modus nila ay umiikot sila sa Metro Manila at iba pang kalapit na mga lalawigan na may mga peryahan gamit ang DILG-NAPOLCOM Press Club ID na pirmado ko.
Malalakas ang loob ng mga ito dahil alam nilang hindi makapapalag o magrereklamo ang mga may-ari ng mga pasugalan kaya mapipilitan na lang sila na magbigay ng weekly payola.
Balikan natin ang mga “Kolek-Tong,” ang payola o goodwill ay “centralized” ang mga bagman na umiikot sa mga pasugalan gabi-gabi sa malalaking peryahan na may ‘drop ball baraha at color games,’ na matatagpuan sa mga bayan ng Bansud, Roxas, Pola, Pinamalayan, Bongabong, Gloria, Bulalacao, Mansalay, Baco, Puerto Galera, Naujan, Victoria, Socorro at Calapan, may Petron, tapat ng Puregold, pawang sa nabanggit na lalawigan.
Ipinararating din natin ito kay Oriental Mindoro Gov. Humerlito ‘Bonz’ Dolor, Sir, naglalaro ang mga daga (Kolek-Tong) sa inyong nasasakupan.
Governor, Sir, nangungulekta rin daw mula sa mga peryahan ang isang alyas “Nani,” ginagamit nito ang Provincial Capitol ng Oriental Mindoro.
Umaabot ng daang libong pisong halaga ang nakukolektang payola ng mga “Kolek-Tong” na ito weekly, gamit ang nabanggit na mga opisina ng pamahalaan.
Kasama sa mga pinagkukunan nila ang mga gambling operator na sina alyas “Fely”, “Onyie” at “Nano” na pawang mga taga-Batangas, na may kontrol ngayon sa mga pergalan o peryahan na may sugalan sa Oriental Mindoro, na umalagwa sa pagpasok ng bermonths (Sept., Oct., Nov. at Dec.).
Kaya pala may napansin akong malaking peryahan sa tapat ng isang mall sa Brgy. 171 Bagumbong, Caloocan City na nagbukas pagpasok ng bermonths.
Sino kaya mula sa lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Caloocan ang nagpapakolekta sa peryahan na ito? Alamin natin at ilalabas natin sa susunod na isyu.
Ang bermonths pala ang tinatawag na peak season ng peryahan dahil kahit paano ay nakaluluwag nang kaunti ang mga Pilipino dahil sa 13th month pay at bonus na kanilang natatanggap mula sa kanilang mga employer.
Ibig sabihin, paldo ang kinikita ng mga awtoridad na ipinangkokolekta ng mga “Kolek-Tong” na ito mula sa mga pasugalan pagpasok ng bermonths?
Namamayagpag ang mga daga (Kolek-Tong) habang ang mga pusa (opisyal ng pamahalaan) ay nakatutok sa impeachment trial kay Vice President Inday Sara Duterte. Saan pupulutin ang Pilipinas pagdating ng panahon?
oOo
Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
44 