UNILAB, PINAIIMBESTIGAHAN SA TAX EVASION

RAPIDO NI TULFO

NAKATANGGAP ng impormasyon ang Rapido Ni Tulfo na nakatakdang magsagawa ng special audit ang Bureau of Internal Revenue sa malaking pharmaceutical firm na United Laboratories, Inc. o Unilab.

Ayon sa sulat na nakuha ng Rapido, inendorso ni Usec. Dakila Elteen Napao, na siya ring OIC ng Revenue Generation and Local Finance Group ng Department of Finance, kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., ang pagsasagawa ng special audit dahil sa mga report na ilegal umanong paggamit ng Unilab sa mga pekeng resibo at ‘di pagdedeklara ng tunay na kinikita nito.

Ayon sa report, nasa bilyong piso umano ang hindi idinedeklarang kita ng Unilab bawat taon. Lalo na noong panahon ng pandemya, nanguna ang Unilab sa pagsuplay ng mga pangunahing gamot sa mga ospital at drugstores sa bansa.

Sa pakikipagtulungan ng NBI at CIDG, kung mapatutunayang totoo ang mga bintang sa Unilab, maaari itong masampahan ng kasong tax evasion kung saan kailangan nitong bayaran ang kabuuang halagang utang nito sa gobyerno bukod pa sa kasamang penalties nito.

Humihingi na ng komento ang inyong lingkod mula sa mga opisyal ng Unilab hinggil sa isyung ito. At isusulat din natin dito ang kanilang magiging sagot

Nito lang Marso 2023, inilunsad ni Commissioner Lumagui ang RAFT o Run After Fake Transaction program. Layon nito na habulin at kasuhan ang mga kumpanya sa bansa na gumagamit ng pekeng resibo upang palakihin ang gastos at paliitin ang kita, upang paliitin din ang babayarang buwis sa gobyerno.

 

438

Related posts

Leave a Comment