HINDI binigyan ng taning ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang iniutos na imbestigasyon ukol sa hoarding at agricultural smuggling.
Sa halip, hahayaan niya ang Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na masusing imbestigahan ang napaulat na hoarding, smuggling, at price fixing sa agricultural products.
“Hindi ako mahilig magbigay ng deadline. Siyempre gusto ko matapos nila nang maaga pero kailangan tapos, hindi hilaw,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Let them do their investigation. Wala namang particular, ang pinag-usapan, ang naging pagbasehan ‘yung naging problema sa maliwanag na nagho-hoarding, na kinokontrol ‘yung suplay ng sibuyas,” dagdag na wika nito.
Naniniwala ang Punong Ehekutibo na maraming sindikato ang nasa likod ng smuggling at hoarding ng agricultural products.
Inulit nito na ang illegal practices ay pinangangambahang magdudulot ng economic sabotage.
Si Pangulong Marcos, chairman ng Department of Agriculture (DA), ipinag-utos sa DOJ at NBI na imbestigahan ang smuggling ng sibuyas at iba pang agricultural products.
Pinangangambahan namang madiin lang ang naunang tinukoy na cartel sa sibuyas at hindi pa rin maimbestigahan ang mga naunang personalidad na pinangalanan sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Matatandaan na noong nakalipas na Enero 23, pinaimbitahan ni Sultan Kudarat 2nd district Rep. Horacio Suansing Jr. ang sinasabing sampung bigtime agri smugglers na sina Leah Cruz, Manuel Tan, Jun Diamante, Andrew Chang, Michael Ma, Lujene Ang, Beverly Peres, Lucio Lim, Gerry Teves at alyas “Aaron”.
Si Ma ay business partner umano ng kapatid ni First Lady Liza Marcos na si Martin Araneta.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), sinabi ni Marikina Representative Stella Quimbo sa isang Memorandum to the President na mayroong matibay na ebidensiya na magtuturo na umiral ang onion cartel na nasa likod ng pagsirit ng presyo ng sibuyas noong in 2022.
Kaugnay nito, nagsasagawa na ng case build up ang Department of Justice laban sa mga indibidwal at grupong sa sangkot sa pagpupuslit ng sibuyas at iba pang produktong pang-agrikultura.
Case build up
Tiniyak ng DOJ na sa oras na handa ang mga kaso ay maghahain sila ng mga reklamo laban sa mga sangkot sa smuggling.
Saklaw ng imbestigasyon ang mga paglabag sa Republic Act 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 at iba pang batas.
Target sa RA 10845 ang illegal importation ng agricultural products, kabilang ang sibuyas at may katapat na mabigat na parusa.
Kaugnay nito, makikipagtulungan ang liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso sa DOJ at NBI sa pagbuo ng malakas na kaso laban sa cartel sa sibuyas na naging dahilan kung bakit umabot sa P750 kada kilos ang presyo nito noong huling bahagi ng 2022.
Ito ang tiniyak nina House Speaker Martin Romualdez at House committee on agriculture chairman Mark Enverga.
“The Committee assures PBBM of our support to the DOJ and NBI by providing key information on the cartel operations gathered throughout the hearing,” ani Enverga na nagsagawa ng siyam na pagdinig sa isyu ng hoarding, smuggling, price manipulation sa sibuyas.
Sa nasabing pagdinig, sinabi ni Marikina Rep. Stella Quimbo na na-establish nila na may cartel sa sibuyas na binubuo ng grupo ni Lilia ‘Leah’ Cruz matapos matuklasan na mula sa pagbili, storage at distribusyon ng sibuyas ay kontrolado umano ng negosyante.
“The President’s order also shows that he had been following our hearings and that he recognizes the huge role it played in helping dismantle the biggest onion cartel in the country to restore the prices of agricultural products to its previous level,” ayon naman kay Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., na kabilang sa naggisa sa grupo ni Cruz.
Hindi pa naglalabas ng committee report ang Kamara dahil inabutan ng pagsasara ang 1st regular session nang tapusin nila ang imbestigasyon subalit natuwa si Romualdez dahil hindi na ito hinintay ni Marcos at inatasan na agad ang DOJ at NBI para mag-imbestiga.
“This is a welcome development, a decisive action that manifests the President’s resolve to clamp down on unscrupulous businessmen preying on hapless Filipino consumers and hampering his administration’s efforts to sustain the robust growth of our economy,” ani Romualdez.
Imungkahi rin ng lider ng Kamara sa DOJ na bumuo ng special team ng prosecutors na ang tanging tungkulin ay protektahan ang mga magsasaka at mga consumer laban sa mga mapagsamantalang negosyante na siyang pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga pagkain.
“We will continue to monitor prices, especially of basic staples like rice, vegetables, meat, onions, and garlic, to protect our people from hoarding, price manipulation, unreasonable price increases, and other practices in restraint of trade and which hamper competition,” ayon pa kay Romualdez. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
277 