Vico Sotto hinagupit ni Ian Sia sa mga pangakong napako; hamon ng atorni na debate dedma lang ang alkalde

HAYAGANG binatikos kamakalawa ni congressional aspirant Atty. Ian Sia si Mayor Vico Sotto dahil sa pangako umano nitong infrastructure projects na walang natupad makalipas ang anim na taong pagbigay paasa sa mga Pasigueño.

Ayon kay Sia, na ang law office ay palaging bukas sa mga Pasigueño na nangangailangan ng libreng serbisyo-legal, “walang pangunahing impraistruktura – ‘tulad ng mga gusaling paaralan, pabahay at ospital – na naipatayo sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

“Binigyan po kayo ng pagkakataon dahil nagkaroon ng pandemya. Okay, tatlong taon wala kayong nagawa. Pero tapos na ang pandemya, wala pa rin kayong nagawa, at lolokohin nyo kami at sasabihihn nyo ang dami nyong nagawa. Hindi ho ako mananahimik,” mariing pahayag ni Sia sa kanyang talumpati sa isang caucus meeting sa Barangay Bagong Ilog.

“Sabihin nyo nga po sa akin kung may naipatayong ospital, mga eskwelahan, pabahay? Ano ang umaagos sa Pasig? Paasa,” dagdag pa ni Sia, na tumutukoy sa slogan ni Sotto na “Umaagos ang Pag-asa.”

“Puro kayo porma, tapos sasabihin nyo kami ang mayabang. Ang galing nyong magparatang.”

Kinuwestiyon din si Sotto ng abogadong aspirante sa pagka-kongresista sa umano’y pag-target sa St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp.—isang kompanyang konektado sa kalabang kandidato na si Sarah Discaya—dahil sa umano’y paglabag sa building code.

“Prangkahang usapan, alam nyo kung ilang gusali sa Pasig ang mga walang occupancy permit? 30,000 po ’yan,” sabi nito

“Ilan ang sinugod mo mayor? Isa. Sino? Si Ate Sarah lang ang sinugod. Eh yung 29,000, ano ang ginawa mo? Tapos sasabihin mo naninira kami,” dagdag pa niya.

Hinamon din ni Sia si Sotto na maghain ng kaukulang kaso laban sa nakaraang administrasyon kung tunay na tiwali ang mga ito.

“Sinabi mo rin na ang isang dating mayor ay corrupt. Dalawampu’t pitong taon umupo ang mga Eusebio sa Pasig, kung hindi ho ako nagkakamali ng bilang, may nai-file ba siyang kaso?” tanong ni Sia.

“Ang sabi nya ang St. Gerrard sa mga Eusebio raw. Eh bakit hindi ka nag-file ng kaso, ill-gotten wealth ’yan eh, di bawiin mo!”

Pinuna rin ni Sia ang kakulangan ng serbisyong pangkalusugan ng kasalukuyang administrasyon, at sinabing ang ilang pasyente sa Pasig City General Hospital na pinapatakbo ng LGU ay napipilitang umupo sa monoblock chairs dahil sa kawalan ng maayos na pasilidad.

“Pero pagka ako ang nagsalita na ang mga pasyente natin nakaupo sa monobloc chairs, sasabihin naninira ako. Paninira ba yun? Pagsasabi po ng totoo yan,” aniya.

“Kailan ulit pag-uusapan ito, pagka tapos na ang eleksyon, nakaupo na ulit kayo? Huling termino nyo na yan. Kailan nyo aayusin ang problema ng Pasigueño? Huwag nyo busalan ang bibig ko dahil hindi ho ako mananahimik,” dagdag pa ni Sia, na ang adbokasiya ay ang pagtulong sa mga Pasigueño na hindi makalabas ng ospital dahil hindi kayang bayaran ang kanilang hospital bills.

Pinuna rin ni Sia ang kilos ni Sotto noong peace covenant signing, na inilarawan niyang kawalang respeto kay Discaya na wala sa okasyon dahil sa karamdaman.

“Kaya mayor, alam kong nakikinig ka—pagka si Ate Sarah tinitira mo sa Facebook mo, sasabihin mo pa dishonest. Di ba paninira yun? Karibal nya ’to. Pagkakamay sya presidente ng Pilipinas, kakamay ba sya sa hangin? Hindi, di ba? Kasi respeto,” aniya.

“Eh ba’t pag kayo ang gumagawa, tama; at pag kami ang gumagawa, sasabihin nyo naninira kami. Double standard ba ’yan?” tanong pa niya.

Sa huli, hinamon ni Sia si Sotto at ang kanyang koponan sa isang pampublikong debate upang talakayin ang mga isyu sa lungsod.

“Pag ako nagsasalita, tameme kayo. Hinahamon ko ang mayor natin—public debate, magsama-sama na kayo,” ani Sia.

Wala pa namang tugon ang alkalde sa hamon na debate ni Sia.

31

Related posts

Leave a Comment