VIRAL TRUCK DRIVER BABAWIAN NG LISENSYA

BABAWIAN na ng lisensya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang truck driver na nag-viral sa social media matapos na ilang beses nitong takasan ang ilang enforcers na humarang sa kanya dahil sa paglabag sa truck ban.

Nitong February 28, 2020, tatlong beses na pinara ng tatlong MMDA traffic constable ang truck na may plate number NBK-4156 at nang masukol sa bahagi ng EDSA Aurora ay nangatwiran ang driver nito na si Ronald Auro na sira ang clutch ng sasakyan kaya hindi niya ito agad napahinto.

Pero habang pinoproseso ang pag-isyu ng ticket kay Auro ay muling inarangkada nito ang truck.

Nahinto na lamang ang truck nang sumampa at bumangga ito sa gilid ng EDSA-Aurora underpass.

Isang enforcer pa ng MMDA ang muntik makaladlad ng truck.

Sa liham ni MMDA General Manager Jojo Garcia kay LTO Assistant Sec. Edgar Galvante, hiniling nitong kanselahin na ang lisensya ni Auro.

Kitang-kita naman umano sa video na dahil sa ginawa ni Auro ay maraming mga motorista at maging MMDA enforcers ang nalagay sa peligro ang buhay. JG TUMBADO

127

Related posts

Leave a Comment