VLOGGER NA SI NORMAN MANGUSIN NASA PARAÑAQUE CITY JAIL NA

INILIPAT na sa Parañaque City Jail ang vlogger na si Norman Mangusin alyas Francis Leo Marcos.

Ayon kay CIDG-NCR chief P/Col. John Guiagui, nakatanggap sila ng commitment order para sa paglilipat dahil sa Parañaque nagmula ang orihinal na kaso. Aniya, awtomatikong naglalabas ng commitment order ang korte matapos maibalik ang warrant.

Nilinaw rin ni Guiagui na walang kinalaman ang pulisya sa pagkalbo kay Mangusin, dahil bahagi umano ito ng patakaran sa mga bagong pasok na preso.

Kinumpirma naman ni BJMP Spokesperson JSupt. Jayrex Bustinera na dakong alas-10:23 ng umaga nitong Pebrero 27 nang makarating si Mangusin sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology sa Parañaque.

Isinailalim siya sa limang araw na quarantine at medical check-up bago ilipat sa regular na selda kasama ang may 20 iba pang detenido.

Matatandaang inaresto si Mangusin sa Pasay dahil sa 12 counts of unjust vexation na may piyansang P12,000 bawat isa.

Samantala, inihayag ni Sen. Manny Pacquiao na magsasampa siya ng kasong cyber libel at iba pa laban kay Mangusin kaugnay ng umano’y panlalait sa kanya at sa kanyang inang si Aling Dionisia.

(TOTO NABAJA)

4

Related posts

Leave a Comment