Volume ng iniimport pataas nang pataas RICE SUFFICIENCY PROGRAM NI BONGBONG PEKE – FARMERS

(BERNARD TAGUINOD)

TINAWAG ng isang grupo ng magsasaka na peke ang rice sufficiency program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil imbes na bumaba ang aangkating bigas sa susunod na taon ay lalo itong tumaas.

Ginawa ni Cathy Estavillo, Secretary General ng Amihan and Bantay Bigas Spokesperson, ang nasabing pahayag kasunod ng report ng United States Department of Agriculture (USDA) na aangkat ang Pilipinas ng 3.8 million metric tons na bigas sa susunod na taon na mas mataas kumpara sa 3.6 million MT ngayong taon.

“Ayaw aminin ni Marcos Jr. na peke ang kanyang rice self-sufficiency program hangga’t liberalized o inaasa sa importasyon ang ating bigas. Ang projection ng USDA ay pagpapakita ng pagiging palaasa ng bansa sa importasyon at walang intensyon na palakasin ang lokal na produksyon,” ani Estavillo.

Patunay aniya na walang ginagawang aksyon ang administrasyon para mapataas ang produksyon ng palay sa bansa, ang datos na taon-taon ay pataas nang pataas ang volume ng inaangkat na bigas. Noong 2021 ay umaabot lamang sa 2.7 million MT ang inangkat na bigas ngunit pagdating ni Marcos umabot na ito ng 3.6 million ngayong 2023 at muling lolobo sa 3.5 million MT sa 2024.

“This was a record high importation under the law enacted in 2019. This January, at least 12,417 metric tons have arrived in the country for the first batch of 2023. And the recent projection of USDA for higher rice imports next year will be another blow to local farmers as it would again depress farm gate prices,” ayon pa kay Estavillo.

Gayunpaman, hindi na ito ikinabigla ng grupo ni Estavillo dahil hanggang ngayon ay ayaw aniyang makinig ni Marcos sa mungkahi ng mga magsasaka para makamit ang kanyang pinapangarap na self-sufficiency sa bigas.

Kabilang sa mga mungkahi ng mga magsasaka ay itigil ang land conversion, bigyan ng sapat na tulong ang mga magsasaka, pagpapatigil sa importasyon at makatotohanang reporma sa agraryo at pag-amyenda sa Rice Liberalization Law na dinededma anila ng Pangulo.

294

Related posts

Leave a Comment