VP SARA SINOPLA NG MALAKANYANG

NIRESBAKAN ng Malakanyang si Vice President Sara Duterte matapos nitong magpatutsada na papunta na ang Pilipinas sa basurahan at nawawalan na umano ng pag-asa ang mga tao dahil hindi nararamdaman ang administrasyong Marcos.

”Hindi ba siya ang nawawala sa Pilipinas ngayon?” ang tugon na patanong ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang nang tanungin ukol sa mga pahayag ng Bise Presidente.

“Kung walang nakikita siya na ginagawa ng administrasyon, malamang ay dahil nasa ibang bansa siya. Ang Pangulo po ay nasa bansa natin ngayon, sa Pilipinas, nagtatrabaho. Samantalang ang Bise Presidente ay nawawala po,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, posibleng nasabi aniya ni VP Sara ang kanyang pahayag na “papunta na ang Pilipinas sa basurahan” dahil hindi naman nakikita ng Bise Presidente kung ano ang ginagawa ng pamahalaan, mga proyekto at programa na naisagawa na at naitulong na ng pamahalaan sa taumbayan.

“Dahil malamang ay hindi siya nanonood ng ating press briefing every day at hindi rin naman siguro siya nanonood ng mga programang ipinapalabas sa PTV4 at saka RTVM,” ani Castro.

“Talagang mabubulagan siya, kapag hindi po niya inaalam kung ano ang naging trabaho at magiging trabaho ng administrasyon sa pangunguna ni Pangulong (Ferdinand) Marcos (Jr.) Okay, now, hindi ba mas magiging mapupunta tayo sa dumpster kung ang magiging pangulo natin o magiging leader natin ay mga katulad nila VP Sara, mas na inuuna pang magpunta sa abroad, magsilbi sa isang tao, although tatay niya po iyon, pero marami pa rin pong Pilipino na umaasa sa kanya bilang Bise Presidente. Mahihirapan po tayong magkaroon ng Pangulo, kung lagi pong nasa abroad at hindi po ginagawa ang trabaho dito sa Pilipinas,” litanya ni Castro.

Samantala, pinatutsadahan pa ni Castro si VP Sara nang sabihin nito na batid naman aniya siguro ni VP Sara ang kanyang obligasyon bilang Bise Presidente.

(CHRISTIAN DALE)

31

Related posts

Leave a Comment