‘WADER’ IKINASA SA MAYNILA LABAN SA LEPTOSPIROSIS

BILANG paghahanda sa paparating na tag-ulan, naglaan ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng karagdagang proteksyon laban sa leptospirosis para sa mga kawani at frontline workers.

Sa flag-raising ceremony nitong Lunes, Pebrero 9, sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso na nag-acquire ang lungsod ng mga tinatawag na “wader” upang mabawasan ang panganib ng exposure sa nakamamatay na sakit lalo na sa panahon ng baha.

“May nakita akong ginagamit sa Europa na nagbibigay ng additional protection sa ating mga kapwa manggagawa at lingkod bayan,” ani Domagoso.

Aminado ang alkalde na may kamahalan ang naturang kagamitan, ngunit iginiit niyang hindi dapat ipagkait ang proteksyon sa mga empleyado ng lungsod.

“Medyo pricey, pero bakit tayo magtitipid sa kaligtasan ng ating mga tao?” dagdag niya.

Ayon kay Domagoso, noong huling kuwarter ng 2025 pa nagsimulang mag-acquire ang pamahalaang lungsod ng naturang protective gear.

“This will guarantee at least safety with regard to exposure and threat to virus,” aniya.

Kabilang sa mga nabigyan ng “wader” ang mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), city medical personnel, barangay health workers at nutritionists, Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), at mga street sweepers.

Umaasa ang alkalde na kapag nakaluwag-luwag pa ang pondo ng lungsod ay mabibigyan din ng kaparehong proteksyon ang mas marami pang kawani ng Manila City Hall, lalo na ang mga naninirahan sa binabahang lugar.

“Para sa ikaliligtas ninyo—kahit papaano mabawasan ang pangamba,” ani Domagoso.

(JOCELYN DOMENDEN)

30

Related posts

Leave a Comment