HINDI pabor si Senador Richard Gordon na asahan ang vaccine bilang pangontra sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Gordon, hindi dapat magkaroon ng pagmamadali sa pagbili ng bakuna na hindi syento porsyentong epektibo sa ngayon dahil nangangailangan pa ng mahabang panahon na maidebelop ito.
“Mauna na yung first world. Bago lang ang mga vaccine. Mag-ingat sa mga tests,” babala pa ng senador.
Sa halip, pinapaboran ni Gordon ang pagpapalakas sa proteksyon ng mamamayan laban sa COVID-19.
Mas dapat aniyang bigyan ng face mask at faceshield ang mamamayan para ligtas na makapagtrabaho.
“Tulungan ang mamamayan na makapaghanapbuhay. Payagan sila at tulungan sa proteksyon, para ang mahihirap hindi maging palaasa,” aniya pa.
Sa statistics na nakuha ni Sen. Gordon, sa limang milyon kataong nasailalim sa test ng gobyerno, nasa walong libo lang aniya ang namatay.
Pinuna pa ni Gordon ang lumalaking utang ng gobyerno sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Samantala, inihayag ng Malakanyang na kahalintulad lang ng naging desisyon ng Metro Manila Council ang posisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa mga lokal na pamahalaan na i-adjust ang age restrictions sa panahon ng community quarantine.
Pinayagan kasi ng Metro Manila Council, na may edad 18 hanggang 65 na makalabas ng kanilang bahay subalit ibinasura ang panukala na payagan ang lahat ng minor de edad na makabisita ng mall at park kahit pa kasama ang kanilang mga magulang o guardians ngayong holiday season.
“Iyong naging desisyon ng Metro Manila Council na pagbawalan muna ang 18 and below, iyan naman po ay sang-ayon din doon sa discretion na ibinigay ng IATF [Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases] sa mga lokal na pamahalaan,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque. (DAVE MEDINA/CHRISTIANDALE)
