HINDI na kinokonsiderang ‘mahirap’ ng gobyerno ang mahigit sa isang milyong benepisyaryo sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan.
Tinukoy ang report mula kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na may 1.3 million beneficiaries ang “no longer considered ‘poor’ bilang kwalipikasyon para sa 4Ps benefits.”
“This frees up P15B for other qualified persons to replace them and now be included in the 4Ps program,” dagdag na pahayag ni Angeles.
Bukod dito, sinabi pa niya na nananatiling nasa proseso ang DSWD sa pagkumpleto ng listahan ng mga benepisyaryo.
Ang pinakabagong kaganapan mula sa departamento ay isa sa mga highlight ng pangatlong Cabinet meeting ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kahapon.
Tinalakay rin sa pulong ang mga priority program ng Department of Education, ayon kay Cruz-Angeles.
Matatandaang, noong nakaraang linggo, sinabi ng DSWD na sinimulan na nila ang pagsusuri sa mga pamilyang Pilipino na hindi na eligible na makatanggap pa ng ayuda sa ilalim ng 4Ps.
Nagbibigay kasi ng cash grants ang gobyerno sa mga mahirap na pamilya na may anak na 18 pababa.
Kaugnay nito, may P15 bilyon ang gagamitin ito sa mga bagong kwalipikadong benepisaryo ng 4Ps.
Ani Cruz-Angeles, kasalukuyang nasa proseso ng pagba-validate ang DSWD sa listahan ng 1.3 milyong Pantawid Pamilyang Pilipino Program beneficiaries na hindi na kwalipikado na makatanggap ng cash aid o ayuda dahil bumuti na ang buhay ng mga ito. (CHRISTIAN DALE)
