HINDI pa man ganap na natutugunan ang hinaing ng mga magsasakang apektado sa pagbaha ng mga smuggled na gulay sa mga pamilihan, isang tangkang pagpupuslit na naman ng mga sibuyas mula sa bansang Tsina ang nabulilyaso ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) sa Cagayan de Oro nito lamang nakaraang linggo.
Sa tala ng kawanihan, hindi bababa sa P6 milyong halaga ng mga pulang sibuyas na inangkat ng Hao International Trading ang nasabat sa tatlong 40-footer container na unang idineklarang naglalaman umano ng “frozen malt” at “wanton skin”.
Batay sa mga dokumento ng BOC-Port of Cagayan de Oro, dumating ang mga nasabing kargamento sa Mindanao Container Terminal sa bayan ng Tagoloan sa lalawigan ng Misamis Oriental.
Subalit bago pa man dumaong ang mga nasabing kargamento, nakatanggap na anila sila ng isang tip mula sa kanilang mga impormante hinggil sa pagdating ng nasabing smuggled red onions na inangkat pa mula sa bansang Tsina.
Bitbit ang isang mission order, mabilis na kumilos ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at agad na sinuri ang laman ng mga pakay na kargamento, kasama ang mga
kinatawan mula sa Enforcement and Security Service (ESS)Chamber of Customs Brokers at Bureau of Plant Industries.
Gaya ng inaasahan, tumambad ang sandamakmak na pulang sibuyas na agad namang kinumpiska ng mga operatiba.
Nakatakda na rin ang paghahain ng kaso laban sa importer ng mga nasabing red onions mula sa China para sa paglabag sa Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at RA 10845 (Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016).
Sa Lungsod ng Maynila, tatlong bodega naman ang sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng BOC at National Bureau of Investigation (NBI) bunsod ng impormasyong tumutukoy sa mga umano’y pinaglalagakan ng mga smuggled red onions na mula pa rin sa bansang Tsina.
Sa tala ng BOC-Port of Manila, nasa P800,000 halaga ng mga pulang sibuyas ang kumpiskado sa mga sinalakay na bagsakan ng mga puslit na gulay sa kahabaan ng Carmen Planas sa Tondo. (JOEL AMONGO)
162 