NAKAKAGIGIL na may mga taong pinanawan na ng konsensya sa kanilang pagkatao lalo na yung gumagawa ng anomalya sa panahon ng pandemya kung saan 99% sa mga mamamayan ay nagdurusa.
Marami tayong nababasa at napapanood na ano malyang nangyayari, hindi lang sa national kundi sa local level habang nasa gitna ng p andemya at take note, ang pondong inilaan para labanan ang pandemyang ito ang kanilang pinag-iintiresan.
Alam ng mga taong ito na halos lahat ay naghihirap, halos lahat ay walang makain, marami ang nagkakasakit at pinoproblema ang perang gagamitin sa pagpapagamot, problemado kung saan kukuha ng pera para sa pag-aaral ng mga anak, pero hindi pa rin sila tumitigil sa pagnanakaw.
Tanging ang mga taong wala nang konsensya ang gumagawa ng ganitong anomalya dahil kung may konsensya pa ang mga ito, ang una nilang iisipin, masama ang kanilang gagawin at pagsasamantala ito sa mga taong naghihirap.
Mantakin niyo pondo para sa kalusugan ng mga tao ang nanakawin nila para lalong kumapal ang pera sa kanilang bulsa at makakain ng masasarap ang kanilang pamilya, mag-aral sa mamahaling eskuwelahan ang kanilang mga anak.
Ang gaganda ng buhay ng mga pamilya ng mga magnanakaw sa gobyerno. Nabubuhay sila ng marangya pero ang hindi alam ng kanilang pamilya, galing sa nakaw ang pinagpi pistahan nilang karangyaan.
Ang ginagawa ng mga magnanakaw na ito ay parang miyembro ng pamilya na inutusang bumili ng gamot para sa may sakit na magulang o kapatid pero imbes na ibinili ng gamot ang ibinigay na pera sa kanila ay ginastos sa kanyang bisyo kaya imbes na gumaling ang mga may sakit ay lumala pa na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
O di kaya naman inutusang bumili ng gamot pero kinupitan ang pera kaya imbes na lahat ng gamot ay mabili ay konti lang ang binili kaya ang epekto, pareho lang, inilagay sa panganib ang kalusugan ng magulang at kapatid na may sakit.
Kapag nangyayari yan sa inyong pamilya, sisigawan ang taong yan ng “walang hiya ka talaga! Wala ka talagang konsensya! At ang perang itinakbo o kinupit sa pamilya ay ginamit lang sa bisyo nya.
Ganyan na ganyan ang mga magnakakaw sa g obyerno. Ang perang para sa mamamayan, kung hindi man nila kinukupitan ay talagang ninanakaw na lahat dahil wala na talaga silang konsensya at wala na silang hiya sa sarili nila.
Marami tayong naririnig na karaniwan sa mga nasasangkot sa anomalya ay may mga bisyo… pambabae. Kailangan nilang magnakaw para ibuhay sa kanilang pamilya at kanilang mga babae.
Pinanawan na ng tinatawag na sense of humanity ang mga ganitong taong gobyerno na imbes na magsilbi sa mamamayan ay ang kanilang bulsa ang inuuna nila hindi baleng walang makarating sa mamamayan na sinumpaan nilang magsisilbihan.
Walang ipinagkaiba ang mga taong ito sa mga kriminal na nagkalat sa lansangan na nabubuhay sa pawis ng iba. Ang lamang ng mga kriminal sa gobyerno, hindi sila basata-basta nahuhuli at kung mahuli man, mayroon silang due process.
Kaya hindi ko masisisi na may mga taong gustong ibalik ang parusang kamatayan para sa ganitong mga tao dahil tulad ng mga drug lord at mamamatay tao, walang kinatatakutan ang mga magnanakaw na ito sa gobyerno.
