NAGBABALA ang Philippine Red Cross (PRC)-Valenzuela City Chapter hinggil sa mga scammer na pati ang transaksyon sa dugong pandugtong ng buhay ng mga may karamdaman, ay hindi pinatatawad at pinapasukan ng modus para makapanlamang.
Ayon sa post sa social media ng PRC-Valenzuela noong Oktubre 19, dakong 11:39 ng umaga kamakailan, mayroong delivery rider sa isang courier app ang na-scam.
Isang kliyente umano ay nagpa-book at sinabing may “reservation” siya ng dugo sa pasilidad ng PRC-Valenzuela na dadalhin sa ospital.
Pinakisuyuan ang rider na abonohan muna ito at bayaran sa pamamagitan ng isang online payment platform sa isang convenience store.
Hindi na binanggit ng PRC-Valenzuela kung binayaran ito ng pobreng rider o hindi.
Ayon sa Valenzuela-PRC, tanging sa landline/cellphone number lamang ng kanilang Blood Services (8277-0129/ 09989650772) maaaring magpa-reserve ng dugo at pipik-apin ito sa kanilang Blood Bank.
Dagdag pa ng ahensya, ang processing fee para sa blood units, at membership fee ay binabayaran lamang sa pamamagitan ng cash payment nang direkta sa kanilang opisina.
Ang standard first aid training fee ay maaaring bayaran nang direkta sa opisina ng PRC-Valenzuela o sa pamamagitan ng bank payment sa BDO account number ng PRC-Valenzuela.
Giit ng PRC-Valenzuela, wala silang ano mang transaksyon sa pagkuha ng dugo at training na binabayaran sa pamamagitan ng ano mang online payment platforms.
“Maging maingat po sa mga SCAMMER!” paalala ng PRC-Valenzuela. (ALAIN AJERO)
371 