WALANG PINAPAIYAK O INAAPI

Aksyon OFW

PORMAL na nga pong inanunsyo ni Presidential ­aspirant Bongbong Marcos, Jr. ang tambalan nila ni Davao City Mayor Sara Duterte sa 2022 elections.

Malinaw ang pahayag ni BBM na iisa ang adhikain nila ni Mayor Sara na ipagpatuloy at palawakin pa ang mga nasimulang programa ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa kapakanan ng mga Pilipino.

Nitong Martes, nag-anunsyo na rin si Mayor Sara na tapos na at selyado na ang alyansa nila ni BBM sa gitna ng mga espekulasyon na tatakbo siyang Pangulo sa ilalim ng Lakas-CMD.

Noong Linggo, nagkaroon pa nga ng mahabang ­motorcade sa EDSA simula sa Visayas at Bicol regions ang mga taga-suporta ni Mayor Sara upang himukin itong ­tumakbong Presidente pero nabigo ang nasabing mga grupo.

Nangako si Mayor Sara na magtutulungan sila ni BBM na itaguyod ang mas matatag, mas mapayapa at mas ­maunlad na bansa kapag sila ang nanalo sa halalan 2022.

Kasabay nito, hindi na nakapagtimpi pa si Mayor Sara at inupakan ang PDP-Laban Cusi faction sa pang-iisnab sa kanyang request na suportahan ang BBM-Sara tandem.

Sa isang taped message, may pinasaringan din si ­Mayor Sara na ilang politiko na nasa likuran ng pagbasura sa kanyang kahilingan.

“Ang aking partido ay nakipag-alyansa at humingi ng suporta para kay Bongbong Marcos at para sa akin, ­matapos kong tanggapin ang inyong hamon at panawagan. ­Tinanggihan ito ng PDP at naiintindihan natin ito. Pero gusto ko lamang linawin na walang pangalan na sinisira o dinudungisan, walang sinasagasaan, walang inaagrabyado, inaaway, pinapaiyak o inaapi. Sa muli nanawagan ako ng pagkakaisa, ang layunin natin ay hindi lamang ituloy ang mga magagandang nasimulan ni Pangulong Duterte kundi ang mas pagbutihin at mas palawigin pa ang mga ito. The people will make me strong and it is thru solidarity that we will be able to build a stronger nation.”

Nanawagan naman si BBM sa taumbayan na kapit-bisig na pagtiwalaan at suportahan ang liderato ni Pangulong Duterte, kahit hindi siya ang inendorso nito.

Sa pulong ni PRRD sa 100 kongresista sa Malakanyang nitong Martes ng gabi, inendorso ng Presidente sina Senador Bong Go at kanyang anak na si Mayor Sara na presidential at vice-presidential bets.

Ika nga, may the best man win sa nalalapit na halalan sa bansa. Sino man ang maging president at vice-president, dapat agad na magtrabaho para sa economic ­recovery mula sa pandemya, paghikayat ng foreign investors at paglikha ng mga trabaho gayundin ang pagbibigay ng basic services sa publiko. Inshallah!

Sa mga susunod na kolum na lang po natin itutuloy ang pagtulong sa distressed OFWs na humihingi ng mabilisang aksyon sa kanilang mga hinaing at problema sa abroad.

Para sa inyong komento, opinyon at suhestiyon, mag-email lang sa dzrh21@gmail.com.

128

Related posts

Leave a Comment