TINALAKAY sa Senado nitong Huwebes (Setyembre 17) ang Senate Bill 1092, o Teaching Supplies Allowance Act.
Maganda ang layunin ng S.B. 1092 dahil patungkol sa pagtataas ng allowance ng mga guro sa pampublikong sistema ng batayang edukasyon hinggil sa mga ginagamit nila sa pagtuturo tulad ng tisa, papel at iba pa.
Sa ayudang ‘yan, hindi na maglalabas ng pera ang mga guro galing sa kanilang sahod para bumili ng papel at iba pa.
Kaya, napapanahong tinalakay na ang naturang mungkahing batas upang lumarga na ito at ipasa.
Kaso, ang problema ay ang pondong ilalaan dito upang magkaroon ng teaching supplies allowance ang mga guro kapag batas na ang S.B. 1092.
Ang sentro ng talakayan ng mga senador ay ang pondo ng nasabing panukala.
Naghanap ang mga senador kung saan ang posibleng pagkukunan ng P1.2 bilyong pondo para sa nabanggit na allowance ng mga guro.
Pabor na pabor ako sa panukalang ito, sapagkat napakaraming guro na makikinabang dito – lalo na iyong mga nagtuturo sa mga liblib na nga bayan kung saan ang kanilang mga mag-aaral ay mga anak ng napakahihirap na mga magulang.
Ang mga guro dito sa National Capital Region (NCR) at iba pang mauunlad na mga lungsod at bayan ay hindi kayang palaging sa sahod nila manggagaling ang pambili ng mga papel, tisa at iba dahil masyadong mataas ang presyo ng mga bilihin, bayad sa kuryente, tubig at iba pa.
Marami rin silang gastusin araw-araw.
Mababa lang ang buwang sahod ng mga guro.
Ang gurong nagtuturo sa mga malalayong parte ng ating bansa ay talagang kawawa rin dahil maraming pagkakataong na napi pilitan silang maglabas ng pera mula sa kanilang sahod upang matiyak lamang na makapag-aral ang mga mag-aaral nilang anak ng mga mahihirap.
Kung ako ay senador, pababawasan ko ang pondo ng Department of Public Works and Highway (DPWH).
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, umabot na sa P532.3 bilyon ang kuwestyonableng hinihinging pondo ng DPWH para sa 2021.
Bawasan ito ng P1.2 bilyon at ilipat sa S.B. 1092.
Tapos ang problema ng mga senador!
Sa eksakto, bawasan ang P150 bilyong nakalaang badyet sa flood control project ng DPWH na kasama sa mahigit P600 bilyong badyet ng kagawaran ni Secretary Mark Villar para sa 2021.
Sabi ni Senadora Mary Grace Poe, itong badyet laban sa baha ay higit na malaki kaysa badyet ng buong Department of Health (DOH) para sa 2021.
Ano kaya ang masasabi ng pinuno ng Senate Committee on Basic Education, Culture and Arts na si Senador Sherwin Gatchalian sa kongkreto, eksakto at napakalinaw na mungkahi ko?
Ang pinakawalang ideya ni Gatchalian sa Senado ay kunin na lamang daw ang pondo sa proyektong “Lakbay-Aral” sapagkat matitigil umano ito sa susunod na taon dahil sa pandemyang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ituloy ang Lakbay-Aral na mayroong pagtitiyak na ligtas ang mga lalahok dito.
Kaalaman ang hatid nito, kaya hindi dapat itigil.
Dapat, prayoridad ng mga mambabatas ang edukasyon, o ang Department of Education (DepEd) dahil iyan naman ang nakasaad sa
Konstitusyon pagdating sa paglalaan ng badyet.
Ang utos ng Konstitusyon ang pinakamatibay, malakas at kongkretong batayan kung bakit taun-taon prayoridad, una at pinakamalaki ang DepEd sa badyet.
Kahit napakahalaga ng mga proyektong kalsada, flyover, tulay, kontra-baha at iba pa na bahagi ng programang Build, Build, Build (BBB) ng administrasyong Duterte, hindi dapat nahihirapan ang mga senador sa paghahanap ng pondong ibibigay sa mga guro.
Huwag kalimutan ni Gatchalian at kahit ni Senador Juan Edgardo Angara na pinuno ng Committee on Finance ang interes at kapakanan ng mga guro.
Si Gatchalian ay nanalong senador dahil sa mga patalastas niya noon sa telebisyon tungkol sa edukasyon ng mga bata.
Napakalapit din ni Angara sa sektor ng edukasyon dahil ang tatay niya ay pangulo ng University of the Philippines (U.P.) bago naging senador at ang balita ko ay asawa ni Senador Angara ang may-ari ng isa sa mga matatandang pamantasan sa Maynila at Bulacan.
Kaya, tiyakin nina Gatchalian, Angara, Lacson, Poe at iba pang senador na magkakaroon ng pondong kailangan ng teaching supplies allowance ng mga guro simula taong 2021.
Kung walang pondo, walang saysay kung magiging batas itong teaching supplies allowance.
