(NELSON S. BADILLA)
HINDI pa man nababawasan nang husto ang bilang ng mga residente ng Quezon City na nagkasakit ng coronavirus disease-2019 (COVID-19), posibleng sumirit pa ito dahil sa community pantry ni Angel Locsin noong Biyernes.
Naglunsad si Locsin ng community pantry sa tapat ng isang gusali sa Barangay Holy Spirit bilang aktibidad sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan.
Batay sa orihinal na imbitasyon, 10:00 ng umaga magsisimula ang aktibidad at matatapos ng 4:00 ng hapon.
Ngunit, naobligang simulan ang community pantry ng 8:00 ng umaga dahil masyadong maraming tao ang nagsitungo sa naturang aktibidad.
Sabi ni Locsin nang interbyuhin ng media na hindi raw niya inaasahan ang pagdagsa ng napakaraming tao.
Kitang-kita sa mga litrato at kuha sa camera na lumabas sa media na sobrang dami ng mga taong nagsiksikan at halos magkapalitan ang mga mukha makakuha lamang ng handog ni Locsin.
Malinaw ring hindi na nasunod ang social distancing, isa sa mga patakaran ng Department of Health (DOH) at ng mga pamahalaang lokal, kabilang na ang Quezon City, upang iiwas ang mamamayan sa atake ng COVID-19.
Simula Marso ng nakalipas na taon, iginiit na ng mga opisyal ng DOH, ng Inter-Agency Task Force (IATF), OCTA Research Group at ng World Health Organization (WHO) na hindi puwedeng balewalian ang mga alituntuning magbibigay ng proteksyon sa mamamayan laban sa bagsik ng COVID-19.
Kahit saang anggulo sipatin, alam na alam ni Locsin ang kahalagahan ng social distancing at iba pang alituntunin laban sa COVID-19.
Hindi rin maipagkakailang alam ni Locsin na masahol ang dami ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Quezon City.
Base sa huling ulat, as of April 23, ang total number of validated cases sa naturang lungsod ay umabot na sa 74,628; ang mga pinaghihinalaan namang dinapuan o suspected cases ay 268,194; ang active cases ay 11, 928; habang ang recoveries o mga gumaling na ay 61,726 at ang mga nasawi ay 974.
Ngunit, itinuloy ni Locsin ang community pantry nang walang kongretong plano kung paano ipatutupad nang tama ang social distancing at iba pang Anti-COVID protocols.
Isang 67-anyos na balut vendor ang namatay matapos himatayin sa pila na posibleng dala ng init at pagsisiksikan ng mga tao.
Humingi ng tawad si Locsin sa pamilya ni Rolando Dela Cruz, ngunit hindi na maibabalik ang buhay ng nasabing tao.
Komento ng ilang netizens, hung hindi nanghikayat si Locsin sa kanyang Facebook account, posibleng hindi darating si Dela Cruz.
Tiyak nakapagtinda pa siya ng balut sa mga sumunod na araw.
Ayon sa naisapublikong impormasyon, 21 milyon ang “followers” ni Locsin sa Facebook.
Noong nakalipas na taon ay napakasahol na rin ng epekto ng COVID-19 sa Quezon City.
Katunayan, isa ito sa mga lungsod na may pinakamasahol na kaso sa buong bansa pag dating sa COVID-19.
Ibig sabihin, napakaraming manggagawa at empleyado ng mga pribadong kumpanya ang nawalan ng trabaho at mapagkakakitaan, ngunit hindi naglunsad ng community pantry si Locsin.
Ngayong nalalapit ang paghahain ng certificate of candidacy (coc) sa Commission on Elections (Comelec) ay saka nagpasikat si Locsin sa kanyang birthday, dahilan upang pagdudahang mayroon siyang ambisyong maging senadora.
Samantala, sa isang pahayag ay binanggit ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Lorraine Marie Badoy na ang pagbabahagi ng pagkain sa mga nangangailangan ay nangyayari na noon pa man sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas.
“..nangyari lahat ng kabutihang asal na yan na walang media coverage at walang pa-press con,” ayon kay Badoy.
Sinang-ayunan naman ito ng ilang netizens dahil marami na umanong patunay ng Bayanihan ng mga Pinoy sa mga nakalipas na panahon lalo na nang magsimula ang pandemya noong isang taon.
Kabilang sa mga kilalang personalidad na agad nagpaabot ng tulong ang negosyanteng si Ramon Ang at si Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor sa pamamagitan ng ACT AS ONE, at iba pang villages/communities and association na hindi na ipinangalandakan sa publiko ang kanilang kabutihan.
Bukod dito, maging ang pamahalaan ay nagbigay ng ayudang P8K, P5K at ang ipinamamahagi pa rin ngayon sa ilang mga lugar na nasa ilalim ng NCR Plus bubble na P1K hanggang P4K kada pamilya.
