WALANG TABLA, PURO TALO LANG

SA gitna ng hindi maawat na pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang pangunahing mga bilihin, walang ano mang paggalaw sa antas ng pamasahe sa mga pampublikong transportasyon.

Pagtitiyak ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Martin Delgra, mananatili sa P9 ang minimum fare sa mga pampasaherong dyip sa kabila ng halos dobleng halaga nito kumpara sa unang bahagi ng nakaraang taon.

Ang totoo, matagal nang sadlak sa kahirapan ang mga pobreng tsuper ng mga pampasaherong dyip na ang tanging kita ay ang baryang labis sa arawang boundary at konsumo ng krudo. Mas naging ­matindi ang hamon ng pagkakataon sa kanilang hanay nang sumulpot ang lintek na pandemyang nagpatigil sa kanilang hanapbuhay sa loob ng 20 buwan.

Sa mga panahong hindi ­maka­paghanapbuhay ­bunsod ng ­pinairal na restriksyon ng Inter-Agency Task Force for the ­Management of Infectious ­Diseases (IATF), kabuhayan nila’y napurnada – ­kinapos sa panustos para sa pagkain, pambayad ng buwanang singil sa ­kuryente at tubig, renta sa bahay, atbp., hanggang sa humantong sa pangingilak ng limos sa kalsada.

Ang kanilang hiling na ayuda noong mga panahong hindi makapasada, tinabla.

Nang pahintulutang makapa-sada, nangyari naman ang lintek na giyera sa pagitan ng dalawang estadong kapwa supplier ng langis sa pandaigdigang merkado, sukdulang ugain pati presyo ng mga produktong petrolyo sa malaking bahagi ng mundo.

Ang tugon ng gobyerno, ­baryang subsidiya sa paniwalang sila’y mapapakalma.

Ang totoo, hindi sapat ang P6,500 na fuel subsidy para ­maibsan ang kanilang pagdurusa. Ang masaklap, replay lang ang eksena. Muling nangako ang gobyerno, pangakong palagi lang naman napapako.

Maging ang kanilang munting lambing na pisong umento, ipinagkibit-balikat lang ng gobyerno. Sa madaling salita, sila’y tablado!

173

Related posts

Leave a Comment