ISANG Japanese national na wanted sa kanilang bansa ang inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Pampanga dahil sa pagnanakaw.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang suspek na isang 28-anyos na si Tsukita Yuhei, naaresto sa Fields Avenue, Brgy. Balibago, Angeles City.
Sinabi ni Viado, ang suspek ay inaresto ng mga miyembro ng Bureau’s Fugitive Search Unit (FSU) sa bisa ng mission order sa kahilingan ng Japanese government matapos malaman na nagtatago sa bansa si Yuhei.
“We are deporting him for being an undesirable alien and his name will be included in our blacklist which would ban him from re-entering the country,” ayon sa BI chief.
Ang warrant of arrest laban kay Yuhei ay inisyu ng Tokyo summary court noong Oct. 27, 2022 dahil sa kasong theft na paglabag sa Article 235 ng Japan’s penal code, ayon kay BI-FSU chief Rendel Ryan Sy .
Sa record, nagpanggap na awtoridad si Yuhei at mga kasamahan nito upang makapanloko sa mga biktima sa pamamagitan ng pagsuko sa kanila ng ilang ATM cards para umano sa imbestigasyon.
Mahigit sa 724,000 yen na cash, o US$4,600 ang ninakaw ng mga suspek sa pamamagitan ng pagwi-withdraw sa mga ito.
Nabatid na dumating sa Pilipinas si Yuhei noong March 16, 2019 at di na umalis simula noon. (Jocelyn Domenden)
