DALAWANG lalaki, kabilang ang isang itinuturing na most wanted person sa Tigbauan, Iloilo, ang napaslang sa inilunsad na law enforcement operation ng mga tauhan ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group sa Antipolo City noong Miyerkoles.
Ayon sa ulat na natanggap ni PNP-AKG director, P/Brig. General Jonnel C. Estomo mula kay P/Col. Villaflor Bannawagan, hepe ng Luzon Field Unit ng PNP-AKG, bandang alas-6:50 ng gabi nang tangkain nilang isilbi ang warrant of arrest sa bahay ng sinasabing tiyuhin ng suspek na si Reagan Gepulango sa Blue Mountain, Brgy. Sta Cruz, Antipolo, City, Rizal.
Si Gepulango ay itinuturing na armed and dangerous at no. 1 most wanted person sa isang bayan sa Iloilo dahil sa magkakahiwalay na krimen kabilang ang murder, attempted murder, attempted homicide, carnapping, illegal possession of firearms, paglabag sa COMELEC gun ban, at iba pa.
Kasama sa operasyon ng PNP-AKG ang mga operatiba ng Antipolo Police at Tigbauan Municipal Police.
Ayon kay PNP-AKG spokesman, P/Lt. Col, Rannie Lumactod, nang isisilbi na ang arrest warrant ng kanilang mga tauhan ay pinaputukan umano ni Gepulango at ng kanyang kasama, ang mga pulis kaya nauwi ang operasyon sa engkwentro.
Napatay si Gepulango at ang kanyang kasama na hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan, habang wala namang casualty sa panig ng mga pulis.
Sabi ni Bannawagan, narekober sa crime scene ang mga baril ng mga suspek, kabilang ang isang caliber 9mm Ingram machine pistol with inserted magazine, dalawang cal. .45 pistols with inserted magazine at ilang pekete ng hinihinalang shabu.
Inaalam pa kung sangkot din ang suspek sa transaksyon ng ilegal na droga sa Antipolo.
Pahayag naman ni General Estomo, “The PNP AKG proved once again that the long arms of the law still exist. It was the group’s vast experience and effort in dealing with criminality that made things possible, lest to say the commitment of PNP AKG to its sworn duty to eradicate crime”. (JESSE KABEL)
344
