INANUNSYO ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente ang pagkakadakip sa dalawang South Koreans na wanted sa kanilang bansa dahil sa pagkakasangkot sa large-scale fraud.
Sa report kay Immigration Commissioner Jaime Morente ng BI’s Fugitive Search Unit, kinilala ang mga arestado na sina Son Hyungjun, 36-anyos, at Choi Jong Bok, 40, naaresto noong Martes sa isinagawang magkahiwalay na operasyon sa Pampanga.
Sinabi ni BI-FSU Acting Chief Rendel Ryan Sy, si Son na naaresto sa Angeles City, ay naka-tag bilang miyembro ng telecommunications fraud syndicate na nakapambiktima ng mahigit sa 22 million won, o halos katumbas ng US$18,000.
Si Son ay pakay ng arrest warrant mula sa Busan District Court sa South Korea, at ang kanyang kasama na tumakas mula sa kanilang headquarters sa China kung saan nila ginagawa ang pagtawag sa kanilang mga biktima sa Korea sa pamamagitan ng voice phishing.
Habang si Choi na naaresto sa Porac, Pampanga ay umano’y wanted naman sa swindling sa kanyang mga kababayan ng mahigit sa P7 million sa isang fraudulent stock investment scheme.
Isang warrant of arrest ang inisyu laban kay Choi ng Nambu District Court sa Seoul kung saan siya kinasuhan ng fraud.
Sinabi ni Sy na ang passport ng dalawa ay revoked na kung kaya’t ikinukonsidera na silang undocumented aliens na nahaharap sa agarang deportasyon.
Sa pagsusuri sa travel records ng dalawa, natuklasang parehas silang overstaying na simula nang dumating sila bilang mga turista noong 2018.
Ang dalawa ay nakakulong sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang kanilang deportation proceedings. (JOEL O. AMONGO)
