ARESTADO ng mga tauhan ng Manila Police District Station 10 makaraang ituro ng impormante, ang isang dating barangay kagawad na tinangka umanong patayin ang kanyang kaanak sa Pangasinan, nang matunton ng mga awtoridad sa pinagtataguan nito sa Pandacan, Manila noong Lunes ng hapon.
Inirekomenda ng korte ang P36,000 halaga ng piyansa para sa pansamantalang paglaya ng suspek na Alain Layno y Dela Cruz, alyas “Allen Layno,” 51, may asawa, dating barangay kagawad at naninirahan sa Labores Ext. sakop ng Brgy. 857 sa Pandacan.
Si Layno ay nasa top 11 most wanted persons sa Alaminos, Pangasinan.
Batay sa ulat ng Manila Police District Station 10, inaresto ng pinagsanib na pwersa ng MPD-Homicide Section, sa pangunguna ni P/Lt. Adonis Aguila, at ng mga operatiba ng NCRPO, bandang alas-4:06 ng hapon ang suspek sa Labores St.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Rachelle Asuncion-Panel MTC, First Judicial Region, Alaminos City Pangasinan, dahil sa kasong attempted homicide. (RENE CRISOSTOMO)
224 