HINOSTAGE ng 46-anyos na lalaking pinaniniwalaang may problema sa pag-iisip ang isang delivery boy kamakalawa ng hapon sa Quezon City.
Gamit ang dalawang kutsilyo, hinostage ng 46-anyos na suspek na kinilalang si Universe Santos ang 21-anyos na water delivery boy na si Gabriel Espinosa sa Alpha Village, Capitol Hills sa Barangay Old Balara.
Bahagya namang nagtamo ng mabababaw na sugat ang biktimang bihag ng suspek sa loob ng mahigit isang oras.
Paniwala ni Lt. Arnold Bantanos na tumayong lider ng mga rumespondeng pulis, mental disorder ang nagtulak sa suspek na bihagin si Espinosa na noo’y nagdedeliver lamang ng tubig sa tahanan ng pamilya ni Santos.
Pansamantalang inilagak sa himpilan ng pulisya si Santos habang inihahanda ang pagdadala sa suspek sa pagamutan para suriin ang kanyang kalagayan.
Kumbinsido naman ang pulisyang walang masamang motibo ang suspek sa kanyang ginawang panghohostage dahil sa mayroon umano itong kapansanan sa pag-iisip. (LILY REYES)
