WATER SYSTEM NG SJDM PATULOY NA PINAGBUBUTI: PRODUKSYON TUMAAS SA 135 MLD, REKLAMO BUMABA

SAN JOSE DEL MONTE, BULACAN — PATULOY na pinagbubuti ng Pamahalaang Lungsod ng San Jose del Monte ang water system ng lungsod kasabay ng iniulat na pagtaas ng produksyon ng tubig at pagbaba ng mga reklamo mula sa mga residente.

Sa pangunguna ni Mayor Florida “Ate Rida” Robes, kinilala ng pamahalaang lungsod ang mga pagbabagong iniulat ng Metro Pacific Bulacan Water (MPBW), kabilang ang mas mataas na water production, mas mabilis na pagkukumpuni ng mga pipeline leak at pagbaba ng mga reklamo.

Iniulat ng MPBW sa Water Forum noong Agosto 26, 2026, na sa loob ng wala pang tatlong buwan ay umabot sa 135.19 million liters per day (MLD) ang average daily water production ng lungsod nitong Agosto.

Mas mataas ito ng 10.5 porsyento kumpara sa 122.36 MLD na naitala sa ilalim ng dating operator na PrimeWater.

Nakumpleto na rin ng MPBW ang pagkukumpuni sa mahigit 600 sa 890 verified pipeline leaks na minana mula sa dating operator.

“Alam nating marami pa tayong kailangang gawin, at nauunawaan natin ang hinaing ng mga San Joseño na patuloy na nakararanas ng mahina o putol-putol na suplay ng tubig,” ani Mayor Robes.

“Ang mahalaga, nagsisimula na nating makita ang resulta ng mga ginagawa sa water system ng lungsod. Patuloy nating babantayan ang rehabilitation at sisiguraduhing tuloy-tuloy ang trabaho hanggang mas maraming pamilya ang makaramdam ng pagbuti sa kanilang araw-araw na serbisyo ng tubig,” dagdag niya.

Ayon sa MPBW, bunga ng patuloy na rehabilitation at corrective maintenance sa mga kasalukuyang water facilities ang pagtaas ng produksyon, kabilang ang pagpapalit at pag-upgrade ng motor pumps at iba pang equipment.

Sa Water Treatment Plants 1 at 2, tumaas ang pinagsamang produksyon mula 40 MLD tungong 55 MLD.

Muli ring pinaandar ng MPBW ang tatlong deep wells sa Francisco Homes–Guijo, Yakal at Kaypian upang madagdagan ang supply ng tubig, habang 15 lokasyon naman ang tinukoy para sa static water tanks sa mga apektadong komunidad.

“Ang mga pagbabagong nakamit natin sa loob ng wala pang tatlong buwan ay nagpapakita ng ating pagsisikap na maibalik ang kakayahan ng sistema at mapabuti ang maaasahang suplay ng tubig sa lungsod,” ani Andrew B. Pangilinan, President and CEO ng Metro Pacific Water.

Ayon kay Pangilinan, marami pa ring kailangang gawin, kabilang ang pagsasaayos at pagpapahusay ng mga lumang pasilidad at paghahanap ng karagdagang mapagkukunan ng tubig upang matugunan ang lumalaking pangangailangan ng San Jose del Monte.

Upang matulungan ang mga lugar sa matataas na bahagi ng lungsod na nakararanas pa rin ng limitadong supply, nagde-deploy ang MPBW ng hanggang 22 water tankers tuwing peak demand.

Umaabot umano sa 110 biyahe kada araw ang mga tanker at nakapaghahatid ng hanggang 770 cubic meters ng tubig kada araw, bukod pa sa 16 water trucks ng Pamahalaang Lungsod.

Kasabay ng mga operational improvement ang pagbaba ng mga reklamo.

Sa kasagsagan ng problema sa tubig noong Hulyo 2026, nakatatanggap ang MPBW ng hanggang 12 hanggang 14 chats kada minuto, katumbas ng tinatayang 17,280 hanggang 20,160 chats sa loob ng 24 oras.

Bumaba na ito sa humigit-kumulang tatlo hanggang apat na chats kada dalawang minuto, o tinatayang 2,160 hanggang 2,880 chats kada araw.

Samantala, ang mga lehitimong concern at follow-up ay karaniwang nasa isa hanggang dalawang chats kada dalawang minuto.

Pinalawak din ng MPBW ang customer service nito sa pamamagitan ng siyam na barangay clusters at mas mahabang operating hours ng hotline.

Ayon kay City Administrator Atty. Zaldy Mendoza, mahalagang senyales ang pagbaba ng reklamo na nagsisimula nang maramdaman ng mga residente ang epekto ng mga isinagawang intervention.

“Ngunit alam nating marami pa tayong kailangang ayusin. Ang ating layunin ay malinaw. Ito ay ang magbigay ng mas maaasahang serbisyo ng tubig para sa bawat San Joseño,” ani Mendoza.

Sinimulan na rin ng MPBW ang malawakang pipelaying works mula sa Tanawin Water Reservoirs hanggang Igay Road sa Barangay Sto. Cristo.

Inaasahang makapagdagdag ang proyekto ng 15 MLD ng treated water at makapagpapabuti sa reliability ng serbisyo para sa humigit-kumulang 15,000 kabahayan sa upland barangays at mga kalapit na lugar.

Inihahanda rin ng MPBW ang 960-meter pipeline project sa Minuyan Proper upang mapabuti ang water supply sa Sapang Palay area at ilang bahagi ng United Minuyan.

Ayon sa Pamahalaang Lungsod, ipinakikita ng mga hakbang na ito ang paglipat mula sa emergency response tungo sa tuloy-tuloy na rehabilitation at pagpapabuti ng water system ng San Jose del Monte. (EG)

68

Related posts

Leave a Comment