(JULIET PACOT)
NAGHAIN ng panibagong petisyon sa Korte Suprema kahapon ng anak ni dating pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte para mapauwi ang ama.
Naghain ng writ for habeas corpus ang pangatlong anak ni Digong para manikluhod sa high tribunal na dinggin ang kanilang kahilingan para sa agarang pagpapauwi at pagpapalaya sa ama na ibiniyahe patungo sa The Netherlands hinggil sa kasong Crimes Against Humanity.
Base sa judicial records, natanggap ng Supreme Court ang petisyon ni Mayor Baste Duterte pasado alas-9:00 ng umaga, Marso 12, 2025.
Ito ay bago pa maghain ng parehong petisyon sina former Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo kasama ang anak na si Atty. Salvador Paolo Jr. sa ngalan ng anak ng dating pangulo na si Veronica Duterte.
Iginiit at pinanindigan ng kampo ni Duterte na dapat isisi sa kasalukuyang administrasyon ang tila pagkidnap umano ng ICC kay Digong.
Giit ng Duterte camp, lumabag mismo sa Konstitusyon ang kasalukuyang administrasyon sa ginawang pag-aresto at pagbiyahe sa dating pangulo.
Ani Panelo, may sariling legal system ang Pilipinas kung saan dapat litisin ang isang indibidwal na lumabag sa batas at walang jurisdiction ang alinmang dayuhan na magsagawa ng trial o imbestigasyon.
Sinisi ni Panelo ang gobyerno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siya umanong nakipagsabwatan para magtagumpay sa maitim nilang balak laban sa mga Duterte.
Dagdag pa ni Panelo, kahit saan man ito suriin mananatiling accountable o may pananagutan sa batas, sa ating bansa maging sa Korte Suprema ang mga may gawa nito.
Ito anya ay sa dahilang ang Korte Suprema lamang ang may mandato sa pagbibigay o paggawad ng desisyon sa anomang paglabag sa Saligang Batas.
Du30 Kandidato Pa Rin
Hindi pwedeng idiskwalipika bilang kandidatong alkalde ng Davao City si dating pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ito ay sa kabila ng pagkakaaresto sa kanya at pagdala sa The Netherlands matapos maglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court kamakalawa.
Ayon kay Comelec Commissioner Ernest Maceda, walang dahilan para alisin si Duterte bilang kandidato.
Aalisin lamang siya kung siya mismo ang magwi-withdraw ng kanyang kandidatura.
Wala rin aniyang pending disqualification complaint laban sa dating pangulo.
Insulto Sa Soberanya
Samantala, itinuturing ni Senador Christopher Bong Go na insulto sa soberanya ng bansa ang pag-aresto at pagsuko ng Pilipinas sa kustodiya kay dating pangulong Rodrigo Duterte.
Nag-aalala rin ang senador sa posibleng mangyari sa kalusugan ng dating pangulo.
Sinabi ni Go na tulad ng kanyang mga naunang pahayag, hindi dapat payagan ang ICC na manghimasok sa domestic affairs ng bansa lalo na’t hindi na anya miyembro rito ang Pilipinas.
Kasabay nito, muling umapela ang senador sa mga awtoridad na pangalagaan ang kalusugan ng dating pangulo kasabay ng paghimok sa mga tagasuporta nito na patuloy siyang ipagdasal.
Nanindigan si Go na ginawa ni dating pangulong Duterte ang trabaho niya para sa kabutihan ng bansa at ng ating mga anak kasabay ng paggiit na dapat ang mga kababayan natin ang humusga kung naging maayos at epektibo ba ang kampanya laban sa ilegal na droga.
Samantala, mistula namang sinumbatan ni Senador Robin Padilla si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasunod ng pagpapahintulot nito na maaresto si Duterte batay sa warrant for crimes against humanity ng International Criminal Court.
Sinabi ni Padilla na noong panahong walang masandalan si Pangulong Marcos ay sinuportahan at pinrotektahan ito ng kanilang grupo kaya’t dapat anyang isinaalang-alang ng Pangulo ang sentimyento ng publiko.
Kasabay nito, nananawagan si Senador Alan Peter Cayetano sa publiko na ipagdasal ang bansa lalo’t nahaharap tayo ngayon sa crossroads o sangang-daan.
Sinabi ni Cayetano na mahalaga rin na maigawad sa dating pangulo ang lahat ng judicial process at remedies sa ilalim ng ating batas.
Importante rin anya na huwag mawala ang tiwala at pananalig ng publiko sa PNP kayat dapat ding ipagdasal ang pulisya upang gawin kung ano ang tama.
Du30 Maswerte
Itinuturing naman ng administration congressmen na maswerte si dating pangulong Rodrigo Duterte kumpara sa libu-libong biktima ng extrajudicial killings (EJK) noong kasagsagan ng war on drugs na hindi nabigyan ng due process.
Ayon kina House Assistant Majority Leaders Zia Alonto Adiong at Jude Acidre, ngayong nasa kustodiya na ng International Criminal Court (ICC) si Duterte at lilitisin na ito sa kasong crimes against humanity, dadaan ito sa legal na proseso taliwas sa EJK victims.
“They were killed point-blank. They were accused, tried, and sentenced in a matter of seconds—not by a court, but by a bullet,” ayon sa mga mambabatas.
Si Duterte ay sinilbihan ng arrest warrant ng International Criminal Police Organization (Interpol) sa tulong ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) noong Martes ng umaga sa Ninoy Aquino Internation Airport (NAIA) noong Martes ng umaga.
Bago maghating gabi ng Martes ay lumipad patungong The Hague, Netherlands ang chartered plane na pinagsakyan kay Duterte na labis na ikinagalit ng kanyang supporters dahil wala umanong due process.
Hindi rin umano dapat magreklamo ang mga Duterte dahil mismong ang dating pangulo ang humamon sa ICC at pinagtatawanan nito ang hustisya subalit nang mahuli ay humihingi ito ng legal protection.
Legal Procedures
Kaugnay nito, sinunog lang ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng legal procedures sa pag-aresto kay Duterte.
“We followed all the legal procedures that are necessary. I’m confident that in further examination, you will find that it is proper and correct,” ang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isang press conference, sa Palasyo ng Malakanyang, Martes ng gabi.
Sumusunod lamang aniya ang gobyerno ng Pilipinas sa ‘request’ ng International Criminal Police Organization (Interpol) na ipatupad ang ICC order.
Pinanindigan naman ni Pangulong Marcos na hindi nakikipagtulungan ang Pilipinas sa ICC.
“It’s a request to the Philippine government from Interpol to enforce the arrest warrant and of course, we comply with our commitments to Interpol,” ang winika ng Pangulo.
“We do not do this because it was derived from or came from ICC. We did this because Interpol asked us to do it and we have commitments with them and we live up to those commitments,”aniya pa rin.
Pinabulaanan din ng Chief Executive ang alegasyon ni Duterte na siya ay ‘politically persecuted.’
Binigyang diin ni Pangulong Marcos na obligado lamang ang gobyerno na kilalanin ang tuntunin ng pagiging miyembro ng Pilipinas sa Interpol.
Ayon naman kay DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, nasunod ang domestic at international legal procedures sa pag-aresto sa dating pangulo at siniguro rin ang due process at pagprotekta sa kanyang karapatan.
Sa kabila aniya ng pagkalas ng Pilipinas sa ICC noong 2019 ay nananatiling miyembro ang bansa ng INTERPOL at isinagawa ang pag-aresto ng Philippine Law Enforcement Agencies bilang bahagi ng kooperasyon sa international community.
Ipinunto rin ng DOJ na sa ilalim ng Section 17 ng Republic Act No. 9581 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, maaaring isuko ng Pilipinas ang sinomang lumabag sa batas o akusado sa kaukulang international court. (May dagdag na ulat sina DANG SAMSON-GARCIA/PRIMITIVO MAKILING/CHRISTIAN DALE)
142
