BISTADOR Ni RUDY SIM
SA kabila ng pananahimik ni dating Executive Secretary, Atty. Vic Rodriguez sa ilang mga malisyosong paratang laban sa kanya at paglilingkod nito sa bayan bilang isang abogado, ay tila hindi pa rin matahimik ang kaluluwa ng ilang politiko na siraan ang dating opisyal sa pamamagitan ng paghuhugas-kamay at pagbaliktad sa kanya ng Partido Federal ng Pilipinas dahil umano sa pagtataksil at pagpapabaya nito sa partido.
Tila nakapagtataka ang timing ng naging aksyon ng PFP laban kay Atty. Rodriguez dahil noon pang October 5 ito nagbitiw sa puwesto at bakit ngayon lamang inilabas ang mga umano’y reklamo laban dito na matagal nang sinagot ng dating opisyal.
Ang planong pagsibak kay Atty. Rodriguez ay matagal na umanong ikinasa ng political party at naghihintay lamang kung kailan ito pasasabugin na ginamit ang media upang lalong mapasama ang dating opisyal sa mata ng publiko.
Sa isang TV interview ni Atty. Rodriguez sa programa ni Cheryl Cosim, ay inilahad nito na hinanapan lamang ito ng butas upang mapagtakpan ang paggamit ng ilang opisyales ng PFP upang makakuha ng puwesto sa gobyerno.
Para lamang magmukhang malinis ang mga opisyales ng PFP ay ginamit na dahilan ang dis-loyalty at iba pang reklamo laban kay Atty. Rodriguez upang may malalim kuno na dahilan para ito’y sibakin sa partido na halata naman na mayroong malaking tao ang nasa likod ng muling demolition job na ikinasa upang lalo itong sirain sa Pangulo.
Iginiit ng dating ES na maaaring naging sentro ng pagpuputok ng budhi ng mga opisyales ng political party ang nabasurang applications ng mga ito noon dahil sa maraming nag-apply sa government positions na hindi qualified kaya’t hindi ito napagbigyan kahit sila pa ay miyembro ng partido ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
Mula pa nang maupo sa puwesto ang Pangulo noong June 30, ay ipinagkatiwala ang Executive Secretary seat kay Atty. Rodriguez na isa sa mga matagal nang nakatrabaho ni PBBM at naging chief of staff at boses ng pamilya Marcos sa panahon ng eleksyon.
Dahil sa magandang brand of leadership ni dating ES Rodriguez ay hindi umubra sa kanya ang palakasan system kahit pa ang mga ito ay kapartido. Kung kaya’t marami ang nasagasaan na may pansariling interes upang gamitin ang koneksyon sa Pangulo. Ito ba ay isang ground ng disloyalty sa Partido na bigyan ng puwesto sa pamahalaan kahit hindi ito qualified?
May punto rin naman ang sinabi ni Atty. Rodriguez na ang higit 31 million votes na nakuha ni PBBM noong halalan ay hindi dahil sa partido kundi dahil sa minahal ng sambayanang Pilipino si Bongbong Marcos Jr.
Nilinaw rin ng dating mataas na opisyal ng gobyerno na wala silang naging hindi pagkakaunawaan ng Pangulo, maging ni First Lady Liza Araneta Marcos, na pilit na ginagawan ng isyu ng mga nais ibagsak ang dangal ng isang Atty. Vic Rodriguez.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
