PAMAHALAANG PANLALAWIGAN, MAGTATAYO NG BAGONG SCHOOL BUILDING SA BAYAN NG MULANAY -GOV. HELEN TAN

SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG

TUNAY na prayoridad ni ­Quezon Gov. Doktora Helen Tan ang edukasyon at marami pang sektor.

Katunayan, tuloy-tuloy ang mga programa ukol dito para sa kanyang nasasakupan.

Kamakailan nga, pinangunahan ni Gov. Tan ang groundbreaking ceremony ng itatayong dalawang palapag na gusali na may anim na silid-aralan para sa San Isidro Elementary School na matatagpuan sa bayan ng Mulanay.

“Nagkaroon ng katuparan ang pagpapagawa ng pamahalaang panlalawigan ng bagong school building sa paaralan sa atas ni Governor Tan na nakasama sa ipinasang Supplemental Budget No. 1 ng Special Education Fund,” ayon sa statement ng provincial government.

Kung maaalala, nag-trending ang bayan ng Mulanay dahil sa napabalita na sa isang ­sabungan nagdaos ng kanilang klase ang nasa mahigit 200 mag-aaral sa pagbabalik ng face-to-face classes.

“Dahil sa paghagupit ng sunod-sunod na bagyong dumaan sa bayan ay nagresulta ito ng pagbaba ng lupa, pagtagilid ng mga gusali, nagiba ang pader, natumba ang mga bakod kaya idineklarang for relocation ang naturang paaralan,” wika ni Gov. Tan.

Pahayag ng gobernadora, dapat may maayos na sinisilungan ang mga bata.

Mahalaga rin daw na ang silid-aralan ay itinuturing bilang ­pangalawang tahanan na nagsisilbing pundasyon upang magkaroon ang mga mag-aaral ng matibay na edukasyon.

Lubos na nagpasalamat si Gov. Tan sa mga kabalikatan upang maisakatuparan ang proyekto tulad nina Vice-Governor Third Alcala, 3rd District Congressman Reynante Arrogancia, Bokal JJ Aquivido, Mulanay Mayor Aris Aguirre, Vice-Mayor Jay Castilleja at Kapitan Arnulfo Decena ng Brgy. San Isidro sa pagkakaloob ng lupa para tirikan ng nasabing gusali.

Wala ring tigil ang iba’t ibang mga programa at proyekto ni Gov. Tan para sa ikabubuti ng maraming sektor.

“Patuloy ang mga hakbang na ginagawa natin para sa layuning mapalakas ang sektor ng agrikultura. Nabigyan tayo ng pagkakataon na makapulong ang Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA) na pinangungunahan ng Program Head nito na si Gerlie Tatlonghari. Kasama din nating humarap sa pulong na ito ang ating Office of Provincial Agriculture, Philippine Coconut Authority, at si Catanauan Mayor Ramon A. Orfanel,” ayon naman kay Gov. Tan sa isang social media post.

Aba’y kung hindi ako nagkakamali, natalakay dito ang proposisyon ng SEARCA Organization para sa layunin na mas magamit nang tama at lalong maging kapaki-pakinabang para sa ating mga coconut farmer ang mga probisyong kaakibat ng Republic Act No. 115241 o mas kilala bilang Coco Levy Fund.

Ayon kay Gov. Tan, “bilang probinsya na isa sa malalaking pinagkukunan at pinagmumulan ng niyog sa buong Pilipinas, magandang oportunidad ito hindi lamang para sa Quezon kundi lalo’t higit ay sa ating mga magniniyog na siyang dapat nakikinabang sa pondong ito ng gobyerno.”

Saludo po ako sa inyo, Gov. Helen Tan. Mabuhay po kayo at may God bless Quezon more!

205

Related posts

Leave a Comment