MALAKI ang dapat ipinagpapasalamat ng mga may-ari ng mga malalaking pharmaceutical company sa China dahil naging multi-billionaire sila (US dollar) sa coronavirus disease 2019 sa maiksing panahon lang.
Mantakin mo, sa loob lamang ng isang taon, nadagdagan ng 9 ang multi-billionaire sa mundo at pawang mga may-ari ng mga pharmaceutical company na gumawa ng COVID-19 vaccines.
Nanguna sa kumita nang husto sa COVID-19 pandemic ang CEO ng Moderna na si Stéphane Bancel na biglang umabot sa US $4.3 billion ang kanyang net worth sa loob lang ng isang taon.
Sumunod si Ugur Sahin, CEO At co-founder ng BioNTech, $4 billion; Timothy Springer, immunologist at founding investor ng Moderna, $2.2 billion; Noubar Afeyan, chairman ng Moderna, $1.9 billion; Juan Lopez-Belmonte, chairman ng ROVI (kumpanyang kinontrata ng Moderna, $1.8 billion) at Robert Langer, scientist at founding investor sa Moderna, $1.6 billion.
Tatlong Chinese nationals naman ang naging instant billionaire dahil sa COVID-19, na sina Zhu Tao, co-founder at chief scientific officer ng CanSino Biologics, $1.3 billion; Qiu Dongxu, co-founder at senior vice president ng CanSino Biologics, $1.2 billion at Mao Huihua, co-founder at senior vice president at CanSino Biologics na may net worth na $1 billion.
Kung pagsama-samahin mo ang net worth ng siyam na ito ay aabot sa $19.3 billion, o P926,400,000,000 sa pera natin sa palitang P48-1 US dollar.
One fourth na ito sa pambansang pondo ng Pilipinas.
Sa tagal ng panahon ng pagbabasa ko ng report tungkol sa mga bilyonaryo sa buong mundo, hindi ko nabasa ang pangalan ng mga ito, pero ngayong miyembro na sila ng billionaires club… salamat sa China.
Tiyak na madadagdagan pa ang yaman ng mga taong ito dahil hindi pa natatanaw ang ilaw sa dulo ng tunnel na hudyat na magtatapos na ang pandemyang tinangkang itago ng China, kaya kumalat sa buong mundo.
Inaasahan ko na madaragdagan pa ang bilang ng mga COVID-19 instant billionaire dahil wala pang report kung magkano ang kinita ng iba’t ibang pharmaceutical companies na gumawa rin ng COVID-19 vaccines.
Siguradong marami ring mga corrupt official ang yayaman dahil sa pandemyang ito, pero hindi ko inaasahan na isisiwalat nila ang kanilang kinita sa pagsasamantala dahil tiyak na makukuwestiyon sila.
Malamang na ipatatago nila sa kanilang kaanak ang kanilang kinita at magpapanggap silang mahirap lang para hindi makuwestiyon kung papaano lumaki ang kanilang yaman.
Bukod kasi sa vaccines na nagpayaman sa mga may-ari ng pharmaceutical companies, maraming negosyo ang lumutang sa gitna ng pandemya tulad ng mga face mask at face shield.
Nauunawaan ko ang face mask dahil kailangan nating proteksyunan ang ating sarili at may mga pag-aaral na nagsasabing nakatutulong ito para hindi tayo mahawa, pero hindi ko maunawaan ang face shield na wala namang ebidensya na mapoproteksyunan nito ang mga tao, pero ipinipilit pa rin sa atin.
Hindi kaya nag-oversupply ang sino mang nagnegosyo ng face shield, o kaya napakarami na nitong inorder, kaya kapag itinigil ang pagpapasuot nito sa mga tao ay malulugi siya?
Lehitimong tanong ‘yan ha!
Ang hirap huminga kapag naka-face mask ka na ay naka-face shield ka pa, pero may mga taong gustong magsamantala at magpayaman sa pandemya, kaya parang nananaig ang interest ng negosyo sa polisiya ng gobyerno, kaysa interest ng mga tao sa ganitong panahon.
