ZALDY CO HINDI NA NAGPARAMDAM

HINDI na nagparamdam si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co mula nang mag-resign ito bilang kinatawan ng nasabing partido noong September 29.

Tulad ng inaasahan, hindi rin nagpakita si Co sa Independent Commission on Infrastructure (ICI) kahapon bagama’t ipinatawag ito, kaya si dating House Speaker Martin Romualdez ang dumalo sa imbestigasyon sa anomalya sa flood control projects.

Si Co na chairman ng makapangyarihang House committee on appropriations mula 2022 hanggang sa unang bahagi ng 2025 ay inaakusahang nagsingit ng daan-daang bilyong piso sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Inakusahan din siya ng mga dating opisyal ng DPWH sa First Engineering District ng Bulacan na humingi ng 25% komisyon sa flood control project na ibinaba nito sa nasabing lugar at idineliber ang male-maletang kickback nito sa kanyang bahay sa Pasig at condo unit sa Taguig.

Mula noong Agosto ay hindi na nagpakita sa Kamara si Co matapos umanong magtungo sa Amerika para magpagamot kaya kinansela ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang kanyang travel clearance at pinakakansela rin ang kanyang pasaporte.

Samantala, sa pagdalo ni Romualdez sa ICI hearing sa Taguig City, sinabi nito na “I am here to cooperate fully and help uncover the truth. Wala akong itinatago at walang dapat itago. While I was not part of the bicameral conference committee, whatever I know, I will share.”

Tutulong din aniya siya para mapabilis ang imbestigasyon.

(BERNARD TAGUINOD)

167

Related posts

Leave a Comment