BINANSAGAN ng Truth and Integrity Network (TIN) si Edward Ligas bilang isang “fake news peddler at serial defamer” matapos siyang sampahan ng limang kaso ng cyber libel dahil sa umano’y pagkalat ng mga maling impormasyon at mapanirang post sa social media.
Ayon kay Andres Tiangco, pinuno ng TIN, isinampa ng ZLREJ Trading and Construction Corporation — pagmamay-ari ni Jerome Awit — ang mga kaso laban kay Ligas noong Setyembre 17, 2025. Kinasuhan si Ligas sa ilalim ng Article 355 ng Revised Penal Code kaugnay ng Section 4(c)(4) ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act, dahil sa sunod-sunod na malisyosong Facebook posts mula Agosto 14 hanggang 23, 2025.
Sa naturang mga post, pinaratangan ni Ligas ang ZLREJ ng paggawa ng “substandard” at “ghost projects” sa Mandaue City, kabilang ang ₱127-milyong flood-control project sa Maguikay. Ngunit giit ni Tiangco, walang basehan ang mga paratang ni Ligas at pawang kasinungalingan lamang.
“Hindi niya sinagot ang mga reklamo—bagkus, naglabas siya ng panibagong fake news tungkol sa Mahiga Creek project,” ani Tiangco sa isang press conference. “Ginamit pa niya ang mga lumang litrato para lituhin ang publiko. ‘Yan ang tinatawag na diversionary tactic—imbis ipaliwanag ang isyu, pinapalitan ng bagong kasinungalingan.”
Dagdag pa ni Tiangco, natapos na ang proyekto sa Mahiga Creek noong Mayo 18, 2025, kaya malinaw umanong gimik lang ni Ligas ang paggamit ng mga luma at pekeng larawan. “Paulit-ulit niyang ginagamit ang parehong estilo—kunin ang lumang litrato ng proyekto, sabihing ghost o substandard, kahit tapos na sa katotohanan,” aniya pa.
Ayon sa TIN, hindi lang mga pribadong indibidwal ang nadadamay sa mga gawa-gawang kwento ni Ligas kundi pati ilang miyembro ng media na nalinlang sa kanyang mga post. “Ginagamit niya ang social media para lasunin ang isip ng publiko,” giit ni Tiangco. “Hindi ito adbokasiya, kundi paninira.”
Ipinakita naman ng ZLREJ Trading and Construction ang mga opisyal na dokumento mula sa DPWH, laboratory test results, at bidding records na nagpapatunay na maayos, legal, at de-kalidad ang kanilang mga proyekto.
“Sa panahong mahalaga ang katotohanan at pananagutan, wala nang puwang ang fake news sa ating lipunan,” pahayag ni Tiangco. “Tutulungan ng Truth and Integrity Network ang mga biktima ng mga paninira ni Ligas — at sisiguruhin naming mananagot siya sa batas.”
78
