OUTSIDE SHOOTING, ‘DI GUMANA; GILAS PILIPINAS, BUGBOG SA ITALY

0

(NI VT ROMANO, Saksi Ngayon, Sports Editor)

FOSHAN, CHINA – Hindi nakaporma ang Gilas Pilipinas, nang bugbugin ng Italy, 108-62 kagabi sa pagbubukas ng kampanya nito sa FIBA World Cup ditto.

Ang paglampaso ng Italy sa mga Filipino ay personal na sinaksihan ni Pangulong Rodrigo Duterte, na kung matatandaan ay nagkomentong matatalo ang Pilipinas sa koponan ng Italy.

At iyon nga ang kanyang nasaksihan, kasama si Sen. Bong Go.

Bago ang laro, pinuntahan ni Pangulong Duterte sa dugout ang Gilas Pilipinas para i-good luck ang koponan ni coach Yeng Guiao.

Sa simula pa lang ng laro ay tila hindi mahagilap ng Gilas ang kanilang shooting, mintis ang unang 17 attemps sa 3-point arc at tinapos ang halftime sa 24-62 count.

Naka-shoot lang ng tres ang Gilas Pilipinas nang pumasok ang ibinato ni Kiefer Ravena, 7:02 sa fourth quarter.

Sina CJ Peez at naturalized player Andray Blatche ay naghagis din ng 3-point shots, pero sa kabuuan ay 3-of-23 (3-point shooting) ang Gilas.

Sunod na makakalaban ng Gilas sa Lunes ang Serbia, ang paboritong magkakampeon sa FIBA World Cup.

Read More

ISLAMIC BANKING SYSTEM BATAS NA

0

(NI BETH JULIAN)

TAPOS nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na lilikha sa Islamic banking system sa bansa para maging alternatibo sa commercial lenders.

Sa inilabas na anunsiyo ng Palasyo, noong Agosto 22 nang pirmahan ni Duterte ang Republic Act (RA) 11439, na sa ilalim nito ay magkakaroon ng regulation at organization ng Islamic banks, na iba sa business model ng mga bangko, na nagbabawal ng pagpapataw ng interest sa mga loan.

Sa nasabing batas, binigyan ng kapangyarihan ang Bangko Sentral ng Pilipinas para siyang mag-regulate ng Islamic banking players.

Ang Islamic banking ay nakabase sa Shari’ah principles ng mga Muslim, saan pinagbabawal ang riba o receipt at payment ng interest.

Sa pamamagitan nito, sa halip na traditional interest sa loans ay magkakaroon ang Islamic banks ng cost-plus financing, kung saan kukunin ng bangko ang asset at kokolekta ng renta mula sa borrower.

 

Read More

WRESTLING PREXY AAPELA SA PSC; GINTONG NAGING BATO?

0

(NI JEAN MALANUM)

HALOS tatlong buwan bago sumabak ang mga Filipino athlete sa 30th SEA Games ay tila nalagasan na ng ginto ang Pilipinas, sa pagkakasibak ng wrestling sa kalendaryo ng event sa biennial meet.

Bunga nito, nakatakdang makipag-usap si Wrestling Association of the Philippines (WAP) president Alvin Aguilar kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez sa Lunes hinggil sa nasabing bagay.

Sinulatan ni Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) chief executive officer Ramon ‘Tats’ Suzara si Aguilar noong Agosto 26 upang sabihin na hindi na kasali ang sport dahil sa kawalan ng authorization mula sa International at Asian Federation ng wrestling.

Ang authorization sa International at Asian Federation ay kailangan ng PHISGOC para maisama ang wrestling sa biennial tournament na gagawin mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Binigyan rin ng kopya ng sulat ang PSC at ang Philippine Olympic Committee na pinamumunuan ni Cong. Abraham ‘Bambol’ Tolentino ng cycling sapagkat ang PSC at POC ay nagsisilbing co-chairpersons ng PHISGOC.

Sinabi ni Aguilar na ipapaliwanag niya kay Ramirez kung ano ang mga naging issues sa wrestling at kung bakit gusto ng mga counterparts ni Aguilar sa ASEAN region na isama ang mga grappling events na hindi inaprubahan ng PHISGOC.

“Only 14 events were approved but we requested for additional events. We now have 20 events and if the extra events are finally confirmed, our athletes will deliver a minimum of 10 golds,” paliwanag ni Aguilar.

Ang mga nakaline-up sa grappling ay sina Justin Ceriola, Vince Ortiz at Franco Rulloda sa men’s team at Maybelline Masuda, Aisa Ratcliff at Tin del Rosario sa women’s team.

Sina Ortiz, Rulloda at Masuda ay gold winners sa SEA Championships.

Samantala, natutuwa naman si Aguilar dahil nanalo ng 11 golds, anim na silvers at walong bronze medals sina Ceriola, Masuda at Ratcliff na nagsanay at lumahok sa mga tournaments sa Amerika sa loob ng isang buwan.

Ang mga tournaments na sinalihan ng mga Pinay wrestlers ay Washington Open, Orlando Open, Seattle Open, World Masters at Las Vegas Open.

Ang national champion na si Ceriola ay nakakuha ng gold sa Washington Open at Seattle Open.

Si Masuda ang unang Pilipinong world champion at naging gold medalist sa Asian Games Games.

Si Ratcliff na nakapag-asawa ng Australian ay taga-San Carlos City, Negros Occidental. Siya ay national at international champion.

Si Ortiz ang tinaguriang best pound-for-pound athlete dahil sa nanalo siya sa lahat ng competitions na nilahukan niya sa Pilipinas at ibang bansa. Bronze medalist siya sa 2018 World Championships na ginawa sa Kazkhstan.

Matapos na ma-scrap noong 2015 (Singapore) at 2017 (Malaysia), magbabalik ang wrestling sa 30th SEAG na may 56 sports na gagawin sa iba’t ibang venues sa Pampanga, Tarlac, Cavite, Laguna at Metro Manila.

 

 

Read More

LUMAYANG KILLERS, DRUG LORDS; SOTTO: NAGKAKASUHULAN!

0

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

NANINIWALA si Senate President Tito Sotto na nagkakasuhulan sa loob ng New Bilibid Prisons para makalaya ang mga high profile na convicts tulad ng sinasabing Chiong sisters killers at ang naunsyaming paglaya ni dating Calauan mayor Antonio  Sanchez.

“Hindi maaaring hindi tama yung iniisip ng kababayan natin. Nagkasuhulan yan, imposibleng hindi,” diin pa ng lider ng Senado.

“Wala namang iba, pa-paano mo ma-i-alis sa isipan ng tao na nagkasuhulan ‘yan. Mga drug lords at involved ng heinous crimes ang convicts na pinapalaya,” sabi ni Sotto.

Kasabay nito, ihahanda na ni Senador Richard Gordon ang subpoena para kay Bureau of Corrections Director Nicanor Faeldon kung hindi ito sisipot sa pagdinig ng Senado hinggil sa isyu ng muntik nang pagapapalaya kay Sanchez

Sinabi  ng chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na hindi sila papayag na hindi humarap sa pagdinig si Faeldon dahil siya ang pinakamahalagang tao sa kanilang imbestigasyon.

Kung hindi aniya ito sisipot, magpapalabas sila ng subpoena na kung hindi nito tutugunan ay muli siyang iko-contempt para makulong hindi lamang sa Senado kundi sa Pasay City Jail.

“Ang sinasabi nila andun daw ang abogado (ni Faeldon). Hindi ako papayag, sya ang head ng Bucor, di pwedeng umiwas sya…Isa-subpoena ko yan. Pati na rin ang records, nagpadala kami request for records hindi pa kami binibigyan hanggang ngayon,” saad ni Gordon.

“Hindi lang sa Senate kundi sa Pasay City Jail,” sagot pa nito nang tanungin kung posibleng makulong muli sa Senado si Faeldon.

Kumbinsido rin si Gordon at Sotto na may katiwalian sa mga paglaya ng mga preso na na-convict sa heinous crimes.

“Meron pa lumalabas na sinasabi pirmado na ni Faeldon, tapos dati dine-deny nangangahulugan may kasinungalingan at kabuktutan na nangyayari,” diin naman ni Gordon.

 

 

 

Read More

CHINESE VESSEL CREW NAIS MAPARUSAHAN NI DU30

0

(NI BETH JULIAN)

KAHIT humingi na ng paumanhin, nais pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte na parusahan ang crew ng Chinese vessel na responsable sa paglubog ng bangka ng 22 mangingisdang Pinoy sa Recto Bank.

Ito ang pinanindigan ng Pangulo sa pamamagitan ng paghiling niya sa Chinese government na umaksiyon at parusahan ang crew ng nasabing Chinese vessel.

Giit ng Pangulo, layon ng pagpapataw ng kaukulang parusa na matuldukan na ang isyu at maipakita ng China na hindi na mauulit pa ang kaparehong insidente sa hinaharap.

“I reiterate our desire for the filing or application of appropriate sanctions against the Chinese crew in the interest of achieving closure, manifesting good faith and demonstrating China’s resort to prevent a repeat of the incident,” pahayag ng Pangulo na binasa ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Gayunman, tinanggap ng Pangulo ang pagkilala at pagkumpirma ng Chinese government sa responsibilidad ng Chinese fishing vessel crew at ang kahandaaan ng bansa na magbigay ng kaukulang danyos para sa mga mangingisda.

Bago ang pulong ni Duterte kay Chinese President Xi Jinping, ibinunyag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang paghingi ng may-ari ng Chinese vessel ng paumanhin sa pagbangga sa Gem-Ver 1.

Sinabi na rin ni Panelo na tutulungan ng gobyerno ang 22 mangingisda sakaling nais ng mga itong maghain ng damage claim at magsampa ng criminal case laban sa Chinese crew.

Read More

RELEASE ORDER NG KILLERS NG CHIONG SISTERS, PIRMADO  

chiong55
0

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

TINUKOY na ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang opisyal ng Bureau of Corrections na nakalagda sa release order ng mga sangkot sa panggagahasa at pagpatay sa Chiong sisters.

Sinabi ni Lacson na isang correctional technical superintendent ang lumagda sa release order ng mga responsable sa rape-slay nina Marijoy at Jacqueline Chiong sa Cebu noong 1997.

“Maria Fe Marquez, Parang Correctional Technical Superintendent, yan ang nagpirma. So dapat alamin natin,” saad ni Lacson.

Kinuwestyon din ni Lacson kung bakit ang opisyal ang nakalagda sa dokumento gayung ang director lamang ang may awtoridad na pumirma sa release order.

“Kung hindi siya authorized at talagang hindi siya authorized ibig sabihin nag-usurp siya ng authority ng prisons director. Kung siya naman ay inutusan na pirmahan mo yan, dapat i-certify niya yan,” diin ni Lacson. Kasabay ng pagsasabing posibleng kasuhan ang opisyal ng usurpation of authority.

“Otherwise, talagang glaring yan. Kasi hindi mismong prisons director ang nagpirma, isang tao na hindi authorized,” dagdag nito.

Read More

MABIGAT NA PARUSA VS GAME FIXERS IPAPATAW 

MANNY PACQUIAO
0

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

NAIS ni Senador Manny ‘Pacman’ Pacquiao na magpataw ang gobyerno ng mas mabigat na parusa sa mga taong masasangkot sa ‘game fixing’ o pagmamanipula sa anumang sports contest.

Inihain ni Pacquiao ang Senate Bill 971 o ang panukalang pag-amyenda sa Presidential Decree No. 483 na nagpapataw ng parusa sa betting, game fixing o point shaving and machinations sa sports contests.

Ayon kay Pacquiao, ang Presidential Decree ay katunayan na matagal nang kinikilala ng gobyerno gayundin ang negatibong epekto ng pagsusugal sa anumang uri o porma.

Gayunman, may mga indibidwal aniyang patuloy na nagbabantang sirain ang integridad ng Philippine sports.

“No less than athletes have come forward in recent years attesting to this reality. Game-fixing and illegal gambling are still prevalent and have been rocking the foundations of both amateur and professional leagues,” saad ni Pacquiao sa panukala.

Ang game fixing, alinsunod sa panukala, ay ang pagmamaniobra sa isang professional o amateur sports at hindi nakabatay sa honest playing skill o ability ng mga manlalaro.

“The payment or receipt of money or valuable consideration shall constitute a prima facie evidence of game-fixing,” diin sa panukala.

Batay sa Senate Bill, papatawan ng tatlo hangganng anim na taong pagkabilanggo o multang hindi bababa sa P1 milyon subalit hindi sosobra sa P5milyon ang masasangkot sa game fixing.

 

Read More

FAELDON PINASISIBAK  SA PALPAK SA BUCOR

0

(NI ESTONG REYES)

HINILING ni Senate President Vicente Sotto III na balasahin ang Bureau of Corrections (BuCor) na pinamumunuan ni dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon matapos lumaya ang mga kriminal na nahatulan sa heinous crimes.

Sa kanyang tweets, sinabi ni Sotto na marapat nang magkaroon ng sibakan sa BuCor na lubha nang umiinit ang kontrobersiya sa ahensiya kabilang ang pagpalaya sa mga convicted drug lords, rapists, murderer at iba pang krimen na disqualified sa paghingi ng parole.

Ayon kay Sotto, may ulat na nilagdaan ni Faeldon ang release papers ng apat na Chinese drug lords na nasa kustodiya ngayon ng Bureau of Immigration (BI) na nakatakdang ipatapon pabalik ng China, at convicted rapist-murderer Antonio Sanchez.

Pinabulaanan ni Faeldon ang paratang na ang pumatay sa Chiong Sisters ay nakalaya nitong nakaraang Hunyo, ayon kay Senador Panfilo Lacson ngunit walang maipakitang “proof of life” ang hepe ng BuCor.

“PRRD (President Rodrigo Roa Duterte) must revamp the entire officialdom of the BuCor. This travesty of Justice is condemnable!” ayon sa tweet ni Sotto.

Naunang ibinulgar ni Lacson na pinirmahan at pinalaya ni Faeldon ang apat na convicted Chinese drug lords at si Sanchez gamit ang pagtutuos sa good conduct time allowance (GCTA) na pinaikli o binawasan ang hatol kapag may mabuting gawain sa loob ng kulungan.

Umalma ang taumbayan sa pagpapalaya kay Sanchez na gumahasa at pumatay kay Aillen Sarmenta at pumatay din kay Allan Gomez, kapwa estudyante ng University of the Philippines Los Banos, Laguna.

Hindi binanggit ni Sotto ang pangalan ni Faeldon sa serye ng tweet nito saka nagsabing: “Bakit lahat ng malipatan nitong official na ito may iskandalo? Saan kaya sya sunod ililipat?”

Samantala, nagpahayag ng pagtataka si Senador Win Gatchalian kung bakit nasa gobyerno pa si Faeldon sa kabila ng dambuhalang anomalyang kinasasangkutan nito, kabilang pagpuslit ng P6.4 bilyong halaga ng shabu sa Aduana at nabukong pagpalaya kay Sanchez.

“I don’t know what to say sa galit ko! Pinalabas ni Faeldon ang P6.4 worth of illegal drugs sa BOC, ngayon naman, pinalabas niya isang rapist sa BuCor. Bakit na sa gobyerno pa itong tao na ito,” ayon sa tweet ni Gatchalian.

 

Read More

‘IBALIK SA BILIBID!’

0

(NI CHRISTIAN DALE)

DAPAT lang na ibalik sa kulungan ang mga bilanggong nahatulang makulong dahil sa karumal-dumal na krimen subalit nakalaya dahil sa Republic Act 10592, o ang batas na nagpalawig sa good conduct time allowances (GCTA).
Ang katwiran ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, dapat na i-serve ng full term ang hatol sa kanila ng korte.

“Obviously, dapat makabalik sila sa kulungan until they serve the full term of their service,” ayon kay Sec.
Sinasabing, napalaya ang mga bilanggo batay sa RA 10592 na naging batas noong 2013.
At dahil sa naturang batas ay nabawasan ang sentensiyang pagkakakulong ng mga bilanggo base sa naging magandang asal umano nila sa loob ng piitan.

Sa ulat, sa datos ng Bureau of Corrections ay may 22,049 persons deprived of liberty (PDL) o preso na nakalaya na mula 2014 hanggang 2019 dahil sa GCTA, 1,914 sa kanila ang nahatulan dahil sa nagawa nilang karumal-dumal na krimen tulad ng pagpatay at panghahalay.

Habang sa mga nahatulan dahil sa heinous crime ay 797 ang sangkot sa pagpatay, 758 sa rape, 274 sa robbery with violence or intimidation, 48 sa droga, 29 sa parricide o pagpatay ng kaanak, lima sa kidnapping with illegal detention, at tatlo sa arson.

Ani Panelo, nakasaad sa batas na hindi dapat kasamang pinalaya ang mga preso na nakagawa muli ng krimen, habitual delinquents, escapees at nakagawa ng heinous crime.

“That cannot be done because the law is very clear,” sabi ni Panelo.

At sa tanong kung hindi na puwedeng bawiin ang naibigay na GCTAs sa preso ay sinabi ni Panelo na, “When you say it cannot be revoked it assumes that the grantee(s) are qualified. If they are not qualified how can you apply that provision.”

Sa ulat, sinabi ni Frederic Santos, hepe ng legal office ng BuCor, na lahat ng bilanggo ay kwalipikado sa GCTA kung saan ay may ilang mambabatas na ang nagpahayag ng kagustuhang amyendahan ang GCTA, habang ipinag-utos naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na suspendihin ang implementasyon ng batas habang nirerepaso ito.

Read More