OKAY NA PROYEKTO, OKRAY NA OPISYAL

OKAY O OKRAY
0

LAKING pasalamat pa rin ng RedBank Foundation Inc, samahan ng mga pribadong indibidwal na naglalayong magligtas ng buhay,  sa lahat nang dumalo sa ginanap na blood letting activity sa National Press Club na pinangunahan ng Pasay City Host Lions Club kung saan isa sa mga miyembro ang inyong lingkod.

Okay ang ginawang blood letting activity na may titulong “Dugo Mo, Buhay Ko” ng PCHLC  sa ­pangunguna ng presidente nitong si Lydia Bueno at sinamahan ng Red Bank Foundation Inc at Rotary Club of Raha Sulayman  kasama ang Raha Volunteers and Medics at Fe Del Mundo Medical Center.  Malaki ang pagnanais ng Pasay City Host Lions Club at RedBank Foundation Inc na makapagligtas ng buhay.

Okay na okay din ang Manila Police District (MPD) sa pangunguna ni District Director P/BGen. Bernabe Balba na nagpadala ng mga volunteer warm bodies na nagpakuha ng dugo sa pagnanais na makatulong sa mga nangangailan nito.

Nakakatuwang positibo ang pananaw ng mga pulis na kusang loob na dumalo sa blood letting at sila mismo ang nagsabi na kailangan nila ito sapagkat malaki ang tulong nang pagbibigay ng dugo sa kanilang pagmamantine ng kanilang body mass index (BMI).

Super okay din na sinamahan ng PCHLC ang kanilang blood letting ng medical mission at feeding program na nagbigay ng sobrang kasiyahan sa mga bata at matatandang residente ng barangay na pinamumunuan ni Chairman Manny Nieto ng District 5 ng Maynila.

Pinakaokay ay ­naging maayos ang medical mission dahil sa tulong ng MPD-Crime Laboratory na pinangunahan ni P/Major Dra. Mez Probadora, P/Major Liz Ann Sucgang at P/Major Liza Ang.

Naging masaya naman ang feeding program dahil na rin sa tulong ng Pateros Realtors Board Inc at Tropang Lagalag ni Chicky Bascuguin at ng sports editor ng SAKSI na si Ethel Genuino.

Okray lang na kokonti ang nakuhang dugo na nangangahulugang kokonti rin ang maililigtas na buhay dahil na rin sa sobrang higpit ng screening ng ­bleeders ng Fe Del Mundo  na sa totoo naman ay tamang ­proseso ang sinusunod upang makaiwas rin sa posibleng disgrasya sa panig naman ng volunteer donor. Pero ang pinakaokray ay ang pagbabawal ng opisyal ng National Capital Region Police Office sa mga tauhan nito na magdonate ng dugo o makiisa sa blood letting activity sa hindi malamang dahilan. Dapat batid ng opisyal na ito na kailangang kailangan ng mga pulis na magmantine ng kanilang BMI.

Mahirap kasi sa opisyal na ito, dahil obese 3 siya, ay nais niyang ang iba ay maging obese rin. Maiisip lang ng opisyal na ito ang kahalagahan nang pagbibigay ng dugo kapag siya mismo ay nangailangan.

Kahit may pera at wala kang pakisama, tiyak na mahihirapan ka sa pagkuha ng dugo lalo’t may panahong marami ang nangangailangan.

 

 

 

 

 

Read More

ESPENIDO, TINIRA NG SINDIKATO NG DROGA

PUNA
0

PATULOY ang pagdami ng supporters ni drug war model Police Lt.Col. Jovie Espenido na nasama ang pangalan sa listahan ng mga sangkot sa ilegal na droga sa bansa.

Iba’t ibang reaksyon ang ibinigay ng netizens sa social media kaugnay sa nangyari kay Espenido.  Subalit karaniwan ay hindi naniniwala na dawit ang opisyal sa ilegal na droga at inaakalang pakana lang ng sindikato ng droga na lubhang nasaktan sa puspusang kampanyang ginawa ni Espenido.

Posibleng  dahil nasaktan ang sindikato ay nagpalabas ng maling impormasyon na mabilis nakuha ng mga awtoridad na kinabibilangan ng intelligence community, pulis, militar at Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA).

Paanong nasangkot sa ilegal na droga ang paborito ni Pangulong Rodrigo Duterte gayung ito nga ang nangunguna sa pagsugpo sa droga?

May takot din si Espenido sa Panginoon dahil isa siyang relihiyosong pulis at miyembro ng ­Seventh-Day Adventist (SDA), ang relihiyong mahigpit pagdating sa kanilang mga miyembro lalo na pagdating sa pagsunod sa mga kautusan sa Bibliya.

Katunayan ang relihiyon ni Espenidong SDA ay kapartner ngayon ng ­Dangerous Drugs Board (DDB) sa kanilang ­programa sa pagpapatupad ng Philippine Anti-illegal Drugs Strategy (PADS).

Sa pangunguna ni Secretary Catalino Cuy, ­Chairman ng DDB at  katuwang ang  Southern Asia-Pacific Division ng SDA Church, ay na-update na ang PADS.

Napili ng DDB ang relihiyong SDA dahil ­naniniwala silang malaki ang tulong nito sa mabilis na pag-rekober ng mga tao na minsan ay nalihis ang kanilang landas sa ­paggamit ng ilegal na droga.

Maraming hospital ng SDA sa ibat-ibang lugar na maaaring makapag-monitor sa lagay ng mga pasyente na nasa mga rehab center.

Kaya hiling nila kay Pangulong Duterte na hubaran ng maskara ang nagdawit kay Espinido sa ilegal na gawain.

Isang pamilya umano ng politicians sa Leyte ang nagalit kay Espenido dahil nabuking nito ang ­kanilang operasyon sa ilegal na ­droga. Bagaman may ­nasawi na sa pamilyang ito, ­sinasabing namamayagpag pa rin ang mga ito sa ­kanilang ­operasyon sa droga.

Si Pangulong Duterte naman ay buo pa rin ang tiwala sa kanyang bata.

Sila kaya ang nasa likod ng pagkakalagay sa narcolist ng pangalan ni Lt. Col. Espenido?

Lord patawarin n’yo po sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa, Amen!

Lahat po ng kasamaan sa mundo ay may katapusan.

 

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

 

Read More

ABS-CBN STARS’ FALLBACK 

0

VIS A VIS copy.jpgANG kaso ng ABS-CBN seeking to have its franchise renewed is far from over kahit tapos na ang pagdinig sa Senado nitong February 24.

Tinanggap na rin ni Pangulong Duterte ang paghingi ng paumanhin ng istasyon, bagama’t ipinauubaya niya sa Kongreso ang desisyon.

Samantala, maaari pa ring mag-operate ang Kapamilya network hanggang May 4 even if its franchise expires on March 30. Basta pala may pending application for renewal ay wala itong iniwan sa mga produktong may “grace period.”

Kung kami ang tatanungin, kahit pa matuloy ang pinangangambahang shutdown ng istasyon (huwag sanang ipahintulot), life goes on para sa mga kawani nito, kabilang ang maraming mga artista.

Noon pa man ay naringgan na namin si (Kuya) Boy Abunda as having said: “I wanna teach.”

Hindi na bago sa pandinig let alone kataka-taka kung ang pagtuturo man ang pinaplanong career direction ng Asia’s King of Talk.

Minsan nang naging faculty member (albeit part-time) si Kuya Boy ng Philippine Women’s University who taught radio and TV subjects sa mga mag-aaral ng communication arts. Sa PWU rin kinuha ni Kuya Boy ang kanyang master’s degree at PhD in social development.

Ang kanyang butihing ina na si Nanay Lesing ay isang public school teacher in their native Borongan, Eastern Samar.

Bukod sa pagtuturo, he can also (well, if he wants to) work as PR consultant for GMA again, or host a new show yaman din lang that he traces his roots to the Kapuso network via Show & Tell.

Samantala, ang isa sa mga most prized possessions ng ABS-CBN na si Coco Martin can make use of his directorial skills sa mga pelkulang aksiyon na posibleng ialok sa kanya. Already on the drawing table ay ang mala-Expendables film na gustong ipagkatiwala ng magpoprodyus ng local version nitong si Senator Manny Pacquiao.

Sa rami rin ng mga naipon ni Coco, he can set up a recruitment agency which deploys utility personnel abroad, tutal naman ay dati siyang OFW who worked as a janitor in Alberta, Canada.

At kung kakayanin pa, Coco can invest in a business partnership with a fellow Kapamiya star na si Luis Manzano, at ano’ng negosyo naman?

Both Coco and Luis are HRM graduates (si Coco mula sa PSBA, si Luis mula sa DLSU College of Saint Benilde). Ano na lang ba ‘yung magbakas sila in putting up either a hotel or a restaurant?

If ever, dagdag income din ‘yon kay Luis na may mga kasosyong kaibigan sa taxi business. Also, balak din naman palang pumalaot ni Luis sa food business tulad ng kanyang Tita Emilyn (elder sis of his mom Vilma).

In other words, maraming larangan ang maaaring pasukin ng mga Kapamilya stars, na kahit paano’y magtatawid sa kanila in these challenging times.

 

Read More

MATTEO AND SARAH, HATID-SUNDO ANG ISA’T ISA

0

MULING nabulabog ang online community nang maispatan ang bagong kasal na sina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli habang magkasang namimili ng grocery.

Naging viral ding ang larawang magkasama ang mag-asawa sa Forbes Park.

Ang nasabing mga larawan ay nagresulta sa maraming reaksyon at komento ng netizens sa social media na nagsabing masaya sila sa bagong kasal.

Narito ang ilang mga komento ng netizens hinggil sa bagong mag-asawa.

“Sarah looks very happy.” “They all look so happy. Mabuhay ang bagong kasal!” “I love seeing Sarah happy because she deserves it!” “Para talagang nakalaya si Sarah. Dati halos walang makapag pic sa kanya pero ngayon ok na.” “At least di sila suplado gaya ng ibang celebrities kasi feeling na-invade and personal time and space nila. I wish I could give Sarah a hug and whisper that everything is going to be alright.”

Nananatiling matatag sina Matteo at Sarah sa kabila nang matinding pagtutol sa aktor ng ina ng aktres na si Mommy Divine.

Naging viral din ang video na ini-upload kamakailan sa Instagram ng kanilang celebrity friend na si Dr. Vicki Belo.

Sa nasabing video, mapapanood ang bagong mag-asawa habang namimi ng mga pinggan, utensils at iba pang items para sa kanilang bagong bahay.

Sinamahan sila ni Vicki sa nasabing pamilili, kasama ang anak ng doktor na si Scarlet Snow Belo.

Ikinatuwa rin ng netizens ang ini-upload na larawan ng mag-asawa na inihahatid ang isa’t isa sa kanilang trabaho.

Ilang masuwerteng fans ay nakapag-selfie sa kina Sarah at Matteo.

Narito ang komento ng nag-upload ng larawan ng mag-asawa.

“Naiyak ako. Hatid sundo na si Misis ni Mister. Surreal pa rin sa pakiramdam. Masasanay ka rin self.” “Hinatid din pala ni misis si mister sa endorsement shoot niya kanina. Eh, kasi nga iisang sasakyan nalang sila. Ayeeh!” “Sinundo si Misis sa taping ng the Voice teens. Masanay na talaga tayo na palagi na silang magkasama.” (For feedback please email to cosetteofficial@gmail.com)

 

Read More

BAYANI AGBAYANI: ‘EXCITED AKO SA APO KO!’

0

MAPAPANGASAWA ng panganay na anak ni Bayani Agbayani na si Thalia Rogacion ang nakababatang kapatid ni Bea Alonzo na si James Carlos. Buntis na ngayon si Thalia kaya isang baby shower ang ibinigay ng aktres para sa magkasintahan. “Napakasaya, nandoon sina Bea. Kamukha ko ‘yung mapapangasawa niya (Thalia),” pabirong bungad ni Bayani.

Isa lamang ang kapatid ni Bea kaya naman ibinibigay lahat ng aktres ng pangangailangan kay James. “Ang niregalo ni Bea, lahat ng regalo namin tinumbasan niya ng tatlong beses. Ang dami, iba-iba, hindi na nga nabuksan sa dami,” dagdag pa ni Bayani.

Ayon sa komedyante ay sobrang excited na ni Bea para sa kasal nina Thalia at James at inaabangan na rin ng aktres ang pagkakaroon ng pamangkin. “Naku! Tuwang-tuwa nga si Bea. Sabi ni Bea kapag nanganak si Thalia, kanya na lang ‘yung anak,” kwento ng aktor.

Samantala,  nananabik na rin ng buong pamilya ni Bayani sa pagdating ng kanyang kauna-unahang apo. Puro babae ang anak ng komedyante kaya excited silang lahat dahil lalaki ang magiging anak nina Thalia at James. “Natuwa ako kasi ang bata ay gift ‘yan sa atin ng Panginoong Diyos. Nasa edad na rin naman si Thalia at saka tapos na naman sila (sa pag-aaral). Nagtatrabaho na po sila at may negosyo na sila. Ako excited po ako sa apo ko. Alam n’yo in-enroll ko na sa school, naka-enroll na siya. Advance, ang bilis. Binilhan ko na siya ng Jersey na pang-basketball,” nakangiting pahayag ng aktor.

Bilang magulang ay mayroon ding payo si Bayani para sa anak at magiging manugang. “Sabi ko nga kay James at Thalia, ‘Thalia, James, napakabata n’yo pa, sayang, marami pang mga magaganda at pogi kayong makikilala. Pero dahil tapos na naman po si Thalia ng college at isa na siyang chef, sabi ko sa kanya, ‘Kung mag-aasawa kayo dapat ay panindigan n’yo habambuhay ay kayong dalawa ang magmamahalan. Habambuhay kayong dalawa ay maganda at gwapo para sa mga paningin n’yo,” pagtatapos ng komedyante.

 

Read More

4 TIKLO SA 15 KILO NG DAMO

0

BULACAN – Umabot sa 15 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na tinatayang P400,000 ang halaga, ang nakumpiska ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Meycauayan City PNP habang apat na tulak ang nadakip sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Malhacan, Meycauayan City, Bulacan kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, ang arestadong mga suspek na sina Emilio Arino, kabilang sa drug watchlist ng Meycauayan City PNP; Jayson Legaspi y de Jesus; John Michael de Jesus, at Victoria Viatriz Manalo, pawang nakatira sa Brgy. Malhacan ng nasabing lungsod.

Bandang alas-3:00 ng hapon nang magkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng SDEU ng Meycauayan City police matapos ang week-long surveillance operation, sa pangunguna ni P/Lt. Col. Bernardo Pagaduan, Meycauayan City police chief, sa Barangay Malhacan kung saan kumagat ang suspek na si Arino kaya nakorner ng undercover agent at mahuli sa akto ang tatlo pang suspek na nagre-repact ng damo.

Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang siyam na nakarolyong bundle ng damo na may fruit tops, 6 piraso ng naka-repack ng bricks ng damo, na may kabuuang timbang na 15 kilo, digital weighing scale, isang packed ng self-sealing platic sachet, dalawang cellphone at buy-bust money. (ELOISA SILVERIO/GINA BORLONGAN)

 

Read More

PULIS PATAY SA SERVICE FIREARM

0

‘Di tiningnan bago dinampot, pumutok

ACCIDENTAL firing ang sinasabing dahilan ng pagkamatay ng isang 28-anyos na bagitong pulis, matapos mabaril ang kanyang sarili habang nagbibihis sa kanilang bahay sa Sta. Ana, Manila, nitong Sabado ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Patrolman Johnferd Soriente, may asawa, nakatalaga sa Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group at residente ng Lot 2, Blk.14, San Andres Ext., Sta. Ana.

Batay sa ulat ni Det. Mark Daniel De Guzman ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-7:45 ng umaga nang umalingawngaw ang isang malakas na putok sa bahay ng biktima.

Pagkaraan ay nakitang nakabulagta ang biktima kaya isinugod sa  Sta. Ana Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, habang nagbibihis ng uniporme si Soriente at isusukbit na ang kanyang service firearm nang mahulog at nang dadamputin ay minalas na sa gatilyo umano ito nakahawak kaya pumutok at tumama ito sa kanyang ulo.

Napag-alaman, ang kanyang asawang si Patrolman Josephine Soriente, 26-anyos, ay nakatalaga sa Navotas Maritime Police.

Gayunman, masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng pulisya upang mabatid kung may foul play sa insidente. (RENE CRISOSTOMO)

 

Read More

13 KABABAIHAN ‘IBEBENTA’ SA MALAYSIA, NAISALBA

0

Sinilaw sa trabaho sa Dubai

ZAMBOANGA City – Nasagip ng mga awtoridad ang 13 kababaihan mula sa human trafficking sa lungsod na ito.

Sa report ng National Bureau of Investigation (NBI), may isang linggo pa lang sa hotel sa naturang siyudad ang mga biktimang mula sa iba’t ibang lugar sa Luzon.

Sinabi ng mga biktima, pinangakuan sila ng magandang trabaho ng kanilang recruiter sa Dubai ngunit nagtaka ang ilan kung bakit sa southern backdoor sila pinadadaan papunta sa nabanggit na bansa.

Binigyan sila ng pekeng mga dokumento at bibigyan din umano ng show money pagdating sa Malaysia para makalusot sa mga awtoridad at sasakay ng eroplano papuntang Dubai ngunit hindi ito nangyari.

Walang pinirmahang employment contract at hindi rin binigyan ng working visa papuntang Dubai ang mga biktima.

Samantala, nadakip sa operasyon ang dalawang recruiter ng mga biktima ngunit mariin nilang itinanggi na sila ang direktang nag-recruit sa mga kababaihan.

Sinabi pa ng mga suspek na binayaran lang sila ng kanilang kaibigan para tulungan ang mga biktima na makasakay sa barko papuntang Malaysia.

Sila rin umano ang naghanap ng pansamantalang matutuluyan ng mga biktima habang nasa Zamboanga City.

Matatapos umano ang kanilang trabaho kung makarating na sa Malaysia ang mga biktima kung saan may ibang taong sasalo para tulungan ang mga ito.

Dalawang libong piso kada tao umano ang bayad sa kanila.

Sa ngayon, nakakulong ang dalawa sa selda ng lokal na NBI at nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003. (KIKO CUETO)

 

Read More

KUYA NASAKSAK BUNSO NAGBIGTI

0

BUTUAN City – Sa pag-aakalang napatay niya sa saksak ang kanyang kuya, nagbigti ang isang binatilyo, iniulat nitong Sabado ng umaga sa lungsod na ito.

Kinilala ang namatay na si Macky, 17, habang sugatan ang kuya niyang si Erickson Payo, 23-anyos, kapwa residente ng Purok-8, Relocation Site, Brgy. Lower Doongan, ng lungsod.

Batay sa report ng Butuan-PNP, dakong alas-6:00 ng gabi nang mangyari ang insidente sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon, may nakaengkuwentrong grupo ang binatilyo at plano niyang gumanti habang bitbit ang kutsilyo ngunit pinigilan siya ng kapatid.

Pilit umanong inaagaw ng kuya ang bitbit na kutsilyo ng suspek ngunit nasaksak siya sa tiyan.

Isinugod ang biktima sa Agusan Del Norte Provincial Hospital para lapatan ng lunas habang umuwi naman ang binatilyo.

Ngunit pagkaraan ay natagpuan na lamang ang binatilyo habang nakabigti gamit ang kumot.

Nagpapatuloy  ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente. (ANNIE PINEDA)

 

Read More