Bakuna galing Amerika parating na rin US NAGKALOOB NG P24-M SA PINAS PARA SA IMMUNIZATION

0

NAGKALOOB ang Estados Unidos ng mahigit P24-milyon upang makatulong sa immunization program ng Pilipinas laban sa measles, rubella, at polio.

Sa isang pahayag, sinabi ng US Embassy na nakipag-partner sa pamahalaan ng Pilipinas at iba pang development partners ang US government, sa pamamagitan ng US Agency for International Development (USAID), upang ilunsad ang second phase ng Measles-Rubella at Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity.

Target ng naturang immunization campaign ang mahigit sampug milyong kabataan sa buong Visayas, Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon.

Ito ang dahilan kung kaya’t nakipag-ugnayan si USAID Philippines Mission Director Lawrence Hardy II sa mga kinatawan ng gobyerno ng Pilipinas na kinabibilangan nina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, Cavite Rep. Luis Ferrer IV, at General Trias Mayor Antonio Ferrer para sa paglulunsad ng national campaign sa General Trias City Medicare Hospital sa Cavite.

Layon ng gobyerno ng Pilipinas na mabakunahan laban sa polio ang 4.8-milyong kabataan na nasa edad lima pababa, at 5.1-milyon naman laban sa tigdas at rubella.

Sa pamamagitan ng partnership sa UNICEF, kasama sa tulong ng USAID ang technical expertise, logistics support at community engagement para sa vaccination campaign.

Samantala, kinumpirma naman ni Philippine Ambassador to United States Jose Manuel Romualdez na halos 56 million COVID-19 vaccine doses na gawa ng American pharmaceutical companies ang inaasahang darating sa Pilipinas sa buwan ng Mayo.

Sinabi ni Romualdez, ang COVID-19 vaccine doses na ito ay ipadadala sa Pilipinas sa tulong ng COVAX facility – ang global collaboration ng manufacturers at mga eksperto upang mapabilis ang development, produksyon, at pantay na access ng mga bansa sa COVID-19 tests, treatments at bakuna.

Ayon sa kalihim, simula pa noong Mayo 2020 ay nakikipag-ugnayan na ito sa pharmaceutical companies sa Amerika upang magkaroon agad ang bansa ng access sa COVID-19 vaccine supplies na naging matagumpay naman.

Inihayag pa ni Romualdez, mayroon na itong nabuong kasunduan sa Novavax, Moderna, at Johnson & Johnson para sa 30 million doses, 20 million doses, at six million doses ng mga bakuna.

Kung maalala, ang COVID-19 vaccine ng Pfizer-BioNtech ang unang nabigyan ng emergency use authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration sa Pilipinas matapos mabatid na 92% hanggang 95% ang efficacy rate nito.

Sumunod na nabigyan ng EUA ang British firm na AstraZeneca dahil sa 70% efficacy rate nito.

Ayon kay Romualdez, nakikipag-ugnayan pa ito sa Pfizer kung maaaring padaliin ang pagpapadala ng mga bakuna nito sa Pilipinas sa pamamagitan ng COVAX facility.

Sa ngayon ay mayroon nang 17 million COVID-19 vaccine doses supply ng AstraZeneca ang pamahalaan ng Pilipinas. (JESSE KABEL)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment